YouVersion Logo
Search Icon

1 Cronica 11

11
Naging Hari si David sa Israel
(2 Sam. 5:1-10)
1Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. 2Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” 3Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
4 Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon 5ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,#11:5 Zion: Ito ang unang tawag sa Jerusalem. na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.
6Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.
7Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. 8Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. 9Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.
Ang Matatapang na Tauhan ni David
(2 Sam. 23:8-39)
10Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo#11:11 tatlo: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint (tingnan din sa 2 Sam. 23:8). Sa Hebreo, 30. na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai#11:12 Dodai: o, Dodo. na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.
15Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
20Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30#11:20 30: Ito ang nasa ibang mga tekstong Hebreo at Syriac, ngunit sa karamihan na teksto, tatlo. matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30#11:21 30: sa Hebreo, tatlo. Tingnan sa talatang 25. niyang kasama, siya ang naging kumander nila.
22May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,#11:23 mabigat at makapal: sa literal, gaya ng panghabi ng manghahabi (sa Ingles, weaverʼs rod). pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
26Ito ang matatapang na kawal:
si Asahel na kapatid ni Joab,
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,
27si Shamot na taga-Haror,#11:27 Shamot na taga-Haror: o, Shama na taga-Harod.
si Helez na taga-Pelon,
28si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,
si Abiezer na taga-Anatot,
29si Sibecai na taga-Husha,
si Ilai#11:29 Ilai: o, Zalmon. na taga-Ahoa,
30si Maharai na taga-Netofa,
si Heled#11:30 Heled: o, Heleb. na anak ni Baana na taga-Netofa,
31si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,
si Benaya na taga-Piraton,
32si Hurai#11:32 Hurai: o, Hudai. na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,
si Abiel#11:32 Abiel: o, Abialbon. na taga-Arba,
33si Azmavet na taga-Baharum,#11:33 Baharum: o, Bahurim.
si Eliaba na taga-Shaalbon,
34ang mga anak ni Hashem#11:34 Hashem: o, Jasen. na taga-Gizon,
si Jonatan na anak ni Shagee#11:34 Shagee: o, Sama. na taga-Harar,
35si Ahiam na anak ni Sacar#11:35 Sacar: o, Sharar. na taga-Harar,
si Elifal na anak ni Ur,
36si Hefer na taga-Mekerat,
si Ahia na taga-Pelon,
37si Hezro na taga-Carmel,
si Naarai#11:37 Naarai: o, Paarai. na anak ni Ezbai,
38si Joel na kapatid ni Natan,
si Mibhar na anak ni Hagri,
39si Zelek na taga-Ammon,
si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,
40sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,#11:40 taga-Jatir: o, Angkan ni Itra.
41si Uria na Heteo,
si Zabad na anak ni Alai,
42si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,
43si Hanan na anak ni Maaca,
si Joshafat na taga-Mitna,
44si Uzia na taga-Ashterot,
sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,
45si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,
46si Eliel, na taga-Mahav,
sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,
si Itma na taga-Moab,
47sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.

Currently Selected:

1 Cronica 11: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in