YouVersion Logo
Search Icon

Mangangaral 9

9
1Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Dios ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. 2Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali,#9:2 at ang mali: Wala ito sa Hebreo, pero makikita sa ibang mga lumang teksto. ang malinis at ang marumi,#9:2 ang malinis at ang marumi: Ang mga karapat-dapat at hindi karapat-dapat makisama sa mga seremonyang pangrelihiyon ng Israel. ang naghahandog at ang hindi naghahandog. Pareho lang ang matuwid at ang makasalanan at pareho lang din ang sumusumpa at hindi sumusumpa. 3Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. 4Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buhay na aso kaysa sa patay na leon.” 5Ang totoo, alam ng buhay na tao na mamamatay siya. Pero ang patay ay walang nalalaman. Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap at makakalimutan na. 6Ang pag-ibig nila, poot at inggit noong nabubuhay pa ay wala na. At wala na rin silang malay sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.
7Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Dios na gawin mo. 8Palagi ka sanang maging maligaya.#9:8 Palagi … maligaya: sa literal, magsuot ka ng puting damit at pahiran mo ng langis ang ulo mo. 9Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.
11Mayroon pa akong nakita rito sa mundo: Hindi lahat ng mabibilis ay nananalo sa takbuhan, at hindi lahat ng malalakas ay nananalo sa labanan. Hindi rin lahat ng matatalino ay nagkakaroon ng hanapbuhay, hindi lahat ng marurunong ay nagiging mayaman at hindi rin lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay. Dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran. 12Pero hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras. Tulad siya ng isang ibong nabitag o ng isdang nahuli sa lambat. Biglang dumarating sa tao ang masamang pagkakataon na para siyang nahuli sa isang patibong.
Mas Mabuti ang Karunungan Kaysa Kamangmangan
13Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan. 14May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan. 15Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya. 16Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin. 17Ang marahang salita ng marunong ay mas magandang pakinggan kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal. 18Mas makapangyarihan ang karunungan kaysa sa mga sandata ng digmaan. Pero ang isang makasalanan ay makakasira ng maraming kabutihan.

Currently Selected:

Mangangaral 9: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in