YouVersion Logo
Search Icon

Pahayag 11

11
Ang Dalawang Saksi
1Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. 2Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan. 3Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”
4Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo#11:4 dalawang punong olibo: Tingnan sa Zac. 4:2-14. at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. 5Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. 6May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.
7Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. 8Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto. 9Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo. 11Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap. 13Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.
14Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.
Ang Ikapitong Trumpeta
15Nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Maghahari na ngayon sa buong mundo ang ating Panginoon at ang Cristo na kanyang pinili. At maghahari siya magpakailanman.” 16At ang 24 na namumuno na nakaupo sa mga trono nila ay lumuhod at sumamba sa Dios. 17Sinabi nila,
“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
kayo po ang Dios noon, at kayo rin ang Dios ngayon.
Nagpapasalamat kami sa inyo dahil ginamit nʼyo na ang inyong kapangyarihan,
at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18Galit na galit ang mga taong hindi kumikilala sa inyo,
dahil dumating na ang panahon upang parusahan nʼyo sila.
Panahon na upang hatulan nʼyo ang mga patay
at bigyan ng gantimpala ang inyong mga lingkod, mga propeta, mga pinabanal,
at ang lahat ng may takot sa inyo, dakila man o hindi.
At panahon na rin upang lipulin ang mga namumuksa sa mundo.”
19Pagkatapos, binuksan ang templo ng Dios doon sa langit, at naroon sa loob ang Kahon ng Kasunduan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.

Currently Selected:

Pahayag 11: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in