YouVersion Logo
Search Icon

Isaias 21

21
Ang Pagbagsak ng Babilonia
1Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia.
Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto
ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain.
2Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan,
kataksilan, at pagkawasak.
Sugod, Elam!
Sakupin mo, Media.
Wawakasan ko na
ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia.
3Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot,
namilipit ako sa sakit
tulad ng isang babaing nanganganak;
ako'y nakayuko kaya hindi makarinig,
ako'y nalilito kaya hindi makakita.
4Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot;
ang pananabik ko sa takipsilim
ay naging isang pagkasindak.
5Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan;
nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin;
sila'y nagkakainan at nag-iinuman.
Ngunit isang utos ang biglang narinig:
“Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.”
6At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Lumakad ka na at maglagay ng bantay
at iulat ang kanyang mga nakikita.
7Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo,
at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo,
dapat siyang maging handa
at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.”
8Sumigaw ang bantay,#8 bantay: Sa ibang manuskrito'y leon.
“Maghapon po akong nasa tore.
Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.”
9Walang#Pah. 14:8; 18:2. anu-ano'y nagdatingan
ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa,
at nag-ulat ang bantay,
“Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia!
Nagkalat sa lansangan
ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!”
10Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik,
may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh,
ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.
Ang Pahayag Tungkol sa Edom
11Ito ang pahayag tungkol sa Edom:
May tumatawag sa akin mula sa Seir,
“Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi?
Gaano pa ito katagal?”
12Sumagot ang bantay:
“Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi;
bumalik na lang kayo
kung nais ninyong magtanong muli.”
Ang Pahayag Tungkol sa Arabia
13Ito ang pahayag tungkol sa Arabia:
Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan,
na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia,
14bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.
Kayo naman, mga taga-Tema,
salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag.
15Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba,
sa panang nakahanda,
at sa panganib na dulot ng digmaan.
16Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar. 17Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.”

Currently Selected:

Isaias 21: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in