YouVersion Logo
Search Icon

I MGA CRONICA 16

16
Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog
1Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.
4Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
5Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,
6at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.
7Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.
Ang Awit ng Pagpapasalamat
(Awit 105:1-15; 96:1-13; 106:1, 47, 48)
8O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
9Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16ang#Gen. 12:7; Gen. 26:3 tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17na#Gen. 28:13 kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
ang bahagi ng inyong mana.”
19Noong sila'y kakaunti sa bilang;
at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21hindi#Gen. 20:3-7 niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30Manginig sa harap niya ang buong lupa:
oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34O#2 Cro. 5:13; 7:3; Ezra 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11 magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”
At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban
37Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.
38Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.
39At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,
40upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.
41Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
42Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.
43At#2 Sam. 6:19-20 ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.

Currently Selected:

I MGA CRONICA 16: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in