YouVersion Logo
Search Icon

I MGA TAGA-CORINTO 4

4
Ang Ministeryo ng mga Apostol
1Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.
2Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.
3Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.
4Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon.
5Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos.
6Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba.
7Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?
8Kayo ay mga busog na, kayo ay mayayaman na, kayo ay naging mga hari nang wala kami. Ibig ko sanang kayo ay maging hari upang kami rin ay maging haring kasama ninyo.
9Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao.
10Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan.
11Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan,
12at#Gw. 18:3 kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami,
13bagaman mga sinisiraang-puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.
Payong Magulang
14Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak.
15Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.
16Kaya't#1 Cor. 11:1; Fil. 3:17 hinihimok ko kayo na tumulad sa akin.
17Dahil dito, aking isinugo#4:17 o isinusugo. sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking mga daan na na kay Cristo gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawat iglesya.
18Subalit ang iba ay nagmamataas na parang hindi na ako darating sa inyo.
19Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at aking aalamin, hindi ang salita ng mga taong nagmamataas, kundi ang kapangyarihan.
20Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita, kundi sa kapangyarihan.
21Anong ibig ninyo? Darating ba ako sa inyo na may pamalo o may pag-ibig sa espiritu ng kaamuan?

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in