YouVersion Logo
Search Icon

I MGA TAGA-CORINTO 7

7
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
1Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki ay huwag humipo sa babae.”
2Subalit, dahil sa mga nangyayaring pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa, at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa.
3Dapat ibigay ng lalaki sa asawa ang karapatan nito, gayundin naman ang babae sa kanyang asawa.
4Sapagkat ang babae ay walang karapatan sa kanyang katawan, kundi ang asawa, at gayundin ang lalaki ay walang karapatan sa kanyang sariling katawan, kundi ang asawa.
5Huwag pagkaitan ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan ng ilang panahon, upang maiukol ang mga sarili sa pananalangin, at pagkatapos ay muli kayong magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa kakulangan ng pagpipigil sa sarili.
6Ngunit ito'y sinasabi ko bilang pagbibigay, hindi isang utos.
7Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Ngunit ang bawat tao'y mayroong kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba'y ganoon.
8Subalit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila'y mananatiling gaya ko.
9Ngunit kung sila'y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa.
10Subalit#Mt. 5:32; 19:9; Mc. 10:11, 12; Lu. 16:18 sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa.
11(Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan.
13At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa.
14Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal.
15Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.
16Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?
Mamuhay Ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17Hayaang ang bawat isa ay mamuhay ayon sa itinalaga ng Panginoon sa kanya, at ayon sa pagkatawag sa kanya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesya.
18Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay tuli na? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay di-tuli? Huwag siyang magpatuli.
19Ang pagtutuli ay walang kabuluhan, at ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos.
20Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin.
21Ikaw ba ay alipin nang ikaw ay tawagin? Huwag kang mag-alala. Subalit kung magagawa mong maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon.
22Sapagkat ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, gayundin ang tinawag nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo.
23Kayo'y binili sa halaga, huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.
24Kaya, mga kapatid, hayaang ang bawat isa'y manatili sa kalagayan nang siya'y tawagin ng Diyos.
Tungkol sa Walang Asawa at sa Balo
25Ngayon, tungkol sa mga dalaga#7:25 Sa Griyego ay birhen o babaing walang karanasan sa pakikipagtalik. ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan.
26Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.
27Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa.
28Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito#7:28 Sa Griyego ay sa laman. at sinisikap ko lamang na iligtas kayo.
29Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa;
30at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari,
31at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas.
32Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon;
33ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa,
34at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa.
35Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya#7:36 Sa Griyego ay birhen. na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan.
37Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya,#7:37 Sa Griyego ay birhen. ay mabuti ang kanyang ginagawa.
38Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti.
39Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon.
40Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in