YouVersion Logo
Search Icon

I TIMOTEO 4

4
Pagtalikod sa Pananampalataya
1Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo,
2sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal.
3Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.
4Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat;
5sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo
6Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod.
7Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan,
8sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating.
9Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos.
10Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap,#4:10 Sa ibang mga kasulatan ay nagtitiis ng kahihiyan. sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya.
11Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.
12Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.
13Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo.
14Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda.
15Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat.
16Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.

Currently Selected:

I TIMOTEO 4: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in