YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 13

13
Ang Pakikidigma ni Abias kay Jeroboam
(1 Ha. 15:1-8)
1Nang ikalabingwalong taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda.
2Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Micaya na anak ni Uriel na taga-Gibea. Noon ay mayroong digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam.
3Si Abias ay nakipaglabang kasama ang isang hukbo ng matatapang na mandirigma, apatnaraang libong mga piling lalaki. At si Jeroboam ay humanay sa pakikipaglaban sa kanya na may walong daang libong piling malalakas na mandirigma.
4At si Abias ay tumayo sa Bundok ng Zemaraim na nasa lupaing maburol ng Efraim, at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Jeroboam at buong Israel!
5Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel ang paghahari sa Israel magpakailanman kay David at sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang tipan ng asin?
6Gayunma'y si Jeroboam na anak ni Nebat, na lingkod ni Solomon na anak ni David, ay tumindig at naghimagsik laban sa kanyang panginoon;
7at may ilang mga walang-hiyang lalaki na nagtipun-tipon sa paligid niya at hinamon si Rehoboam na anak ni Solomon, nang si Rehoboam ay bata pa at walang matatag na pasiya at hindi makapanalo sa kanila.
8“At ngayo'y inyong inaakalang madadaig ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David, sapagkat kayo'y napakarami at may dala kayong mga gintong batang baka, na ginawa ni Jeroboam upang maging mga diyos ninyo.
9Hindi ba pinalayas ninyo ang mga pari ng Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y gumawa ng mga pari para sa inyo gaya ng mga bayan ng ibang mga lupain? Sinumang dumarating upang italaga ang sarili sa pamamagitan ng isang batang baka o ng pitong lalaking tupa ay nagiging pari ng hindi mga diyos.
10Ngunit sa ganang amin, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na naglilingkod sa Panginoon na mga anak ni Aaron at mga Levita para sa kanilang paglilingkod.
11Sila'y naghahandog sa Panginoon tuwing umaga at hapon ng mga handog na sinusunog at ng kamanyang, at nag-aalay ng tinapay na handog sa hapag na dalisay na ginto, at iniingatan ang ilawang ginto upang ang mga ilawan nito ay magningas tuwing hapon, sapagkat aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Diyos; ngunit inyong tinalikuran siya.
12Tingnan ninyo, ang Diyos ay kasama namin sa aming unahan, at ang kanyang mga pari na may mga trumpetang pandigma upang patunugin ang hudyat upang digmain kayo. O mga anak ni Israel, huwag kayong lumaban sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno; sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13Si Jeroboam ay nagsugo ng isang pagtambang upang lumigid at sumalakay sa kanila mula sa likuran; kaya't ang kanyang mga kawal ay nasa harapan ng Juda at ang pagtambang ay nasa likuran nila.
14Nang ang Juda ay lumingon, ang labanan ay nasa harapan at likuran nila at sila'y sumigaw sa Panginoon, at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta.
15Pagkatapos ay sumigaw ng pakikipaglaban ang mga lalaki ng Juda; at nang sumigaw ang mga anak ng Juda, ginapi ng Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harapan ni Abias at ng Juda.
16At ang mga Israelita ay tumakas sa harapan ng Juda; at sila'y ibinigay ng Diyos sa kamay ng Juda.#13:16 Sa Hebreo ay nila.
17Tinalo sila ni Abias at ng kanyang mga tauhan sa isang napakalaking patayan; sa gayon, ang napatay sa Israel ay limang daang libong mga piling lalaki.
18Gayon nagapi ang mga anak ni Israel nang panahong iyon, at ang mga anak ni Juda ay nagtagumpay, sapagkat sila'y nagtiwala sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
19Hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Bethel at ang mga nayon niyon, ang Jeshana at ang mga nayon niyon, at ang Efron at ang mga nayon niyon.
20Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan sa mga araw ni Abias; at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.
21Ngunit si Abias ay naging makapangyarihan. Kumuha siya ng labing-apat na asawa at nagkaroon ng dalawampu't dalawang anak na lalaki, at labing-anim na anak na babae.
22Ang iba pa sa mga gawa ni Abias, ang kanyang mga lakad, at ang kanyang mga sinabi ay nakasulat sa kasaysayan ni propeta Iddo.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 13: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in