YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 31

31
Binago ni Hezekias ang Buhay-relihiyon
1Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste#31:1 Sa Hebreo ay Ashera. at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian.
2Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng Panginoon at magpasalamat at magpuri.
3Ang#Bil. 28:1–29:39 ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
4At#Bil. 18:12, 13, 21 nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng Panginoon.
5Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay.
6Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa Panginoon nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan.
7Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan.
8Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang Panginoon at ang kanyang bayang Israel.
9At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan.
10Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, “Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng Panginoon, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng Panginoon ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi.”
11Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila ang mga iyon.
12At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid.
13Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos.
14Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa Panginoon at sa mga kabanal-banalang bagay.
15Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat,
16maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat.
17Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat.
18Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili.
19At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala.
20Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, matuwid, at tapat sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
21At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 31: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in