YouVersion Logo
Search Icon

DEUTERONOMIO 21

21
Tungkol sa Hindi Nalulutas na Pagpatay
1“Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya,
2lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang;
3at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok.
4Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis.
5Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng Panginoon mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng Panginoon; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit.
6At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis;
7at sila'y sasagot at sasabihin, ‘Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak.
8Patawarin mo, O Panginoon, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.’
9Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
Tungkol sa mga Babaing Bihag ng Digmaan
10“Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,
11at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa,
12dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko;
13at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.
14Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya.
Tungkol sa Pamana sa Panganay
15“Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan,
16kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay.
17Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya.
Tungkol sa Masuwaying Anak
18“Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila,
19hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan.
20Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, ‘Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.’
21Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot.
Iba't ibang mga Batas
22“Kung ang isang lalaki ay magkasala ng kasalanang nararapat sa kamatayan at siya'y patayin, at siya'y ibinitin mo sa isang punungkahoy;
23ang#Ga. 3:13 kanyang bangkay ay hindi dapat manatili nang magdamag sa punungkahoy. Dapat siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang taong binitay ay isinumpa ng Diyos upang huwag mong marumihan ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana.

Currently Selected:

DEUTERONOMIO 21: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in