YouVersion Logo
Search Icon

DEUTERONOMIO 4

4
Ang Israel ay Pinaalalahanang Maging Masunurin
1“At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoong Diyos ng inyong mga ninuno.
2Huwag#Apoc. 22:18, 19 ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo.
3Nakita#Bil. 25:1-9 ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng Panginoon mong Diyos sa gitna mo.
4Ngunit kayong humawak ng matatag sa Panginoon ninyong Diyos ay buháy na lahat sa araw na ito.’
5Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin.
6Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’
7Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya?
8At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?
9“Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.
10Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’
11Kayo'y#Exo. 19:16-18; Heb. 12:18, 19 lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman.
12Ang Panginoon ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang.
13At#Exo. 31:18; 34:28; Deut. 9:10 kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.
14Iniutos#Exo. 21:1 sa akin ng Panginoon nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
15“Kaya't ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili. Yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy,
16baka#Exo. 20:4; Lev. 26:1; Deut. 5:8; 27:15 kayo'y magpakasama, at kayo'y gumawa para sa inyong sarili ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alinmang larawan, na katulad ng lalaki o babae,
17na#Ro. 1:23 kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, at anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,
18na kahawig ng anumang bagay na gumagapang sa lupa, at anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa.
19Baka itingin mo ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw, buwan, bituin, at lahat ng hukbo ng sangkalangitan ay matukso ka at iyong sambahin at paglingkuran sila na inilagay ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng mga bayan na nasa ilalim ng buong langit.
20Ngunit#Exo. 19:5; Deut. 7:6; 14:2; 26:18; Tito 2:14; 1 Ped. 2:9 kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na kanyang pag-aari, isang pamana, gaya sa araw na ito.
21At#Bil. 20:12 nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng Panginoon mong Diyos sa iyo bilang pamana.
22Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito.
23Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
24Sapagkat#Heb. 12:29 ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin.
25“Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Diyos, upang siya ay galitin;
26aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa.
27Ikakalat#Deut. 28:36 kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng Panginoon.
28Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy.
29Ngunit#Jer. 29:13 kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.
30Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa Panginoon mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
31Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila.
32“Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito?
33Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa?
34O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin?
35Ipinakita#Mc. 12:32 sa iyo ito, upang makilala mo na ang Panginoon ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya.
36Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy.
37At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan,
38na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang lalong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito.
39Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang Panginoon ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.
40Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng Panginoon mong Diyos.”
Mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan
41Nang#Jos. 20:8, 9 magkagayo'y ibinukod ni Moises ang tatlong lunsod sa silangan sa kabila ng Jordan,
42upang ang nakamatay ng tao ay makatakas patungo doon, na nakamatay sa kanyang kapwa na hindi sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang nakaraan; na sa pagtakas sa isa sa mga lunsod na ito ay maaari niyang iligtas ang kanyang buhay:
43Ang Bezer sa ilang, sa kapatagang lupa na para sa mga Rubenita; at sa Ramot sa Gilead na para sa mga Gadita; at ang Golan sa Basan na para sa mga anak ni Manases.
Paunang-salita sa Pagbibigay ng Kautusan ng Diyos
44Ito ang kautusang inilagay ni Moises sa harapan ng mga anak ni Israel.
45Ito ang mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila'y lumabas sa Ehipto,
46sa kabila ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Bet-peor, sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo na tumira sa Hesbon, na nilupig ni Moises at ng mga anak ni Israel nang sila'y umalis sa Ehipto.
47Kanilang inangkin ang kanyang lupain at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa dakong silangan sa kabila ng Jordan;
48mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sirion#4:48 Sa Hebreo ay Zion. (na siya ring Hermon),
49at ang buong Araba sa kabila ng Jordan sa dakong silangan hanggang sa Dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.

Currently Selected:

DEUTERONOMIO 4: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in