YouVersion Logo
Search Icon

EXODO 18

18
1Si Jetro na pari sa Midian, biyenan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Diyos kay Moises at sa Israel na kanyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Ehipto.
2Noon#Exo. 2:21, 22 ay isinama ni Jetro, na biyenan ni Moises, si Zifora na asawa ni Moises, pagkatapos niyang paalisin siya,
3at#Gw. 7:29 ang dalawa niyang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa'y Gershom (sapagkat sinabi niya, “Ako'y naging manlalakbay sa ibang lupain”),
4at ang pangalan ng isa'y Eliezer#18:4 Diyos ay saklolo. (sapagkat kanyang sinabi, “Ang Diyos ng aking ama ang aking naging saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ng Faraon”).
5Si Jetro, na biyenan ni Moises ay dumating na kasama ang kanyang mga anak at ang kanyang asawa kay Moises sa ilang kung saan siya humimpil sa bundok ng Diyos.
6Kanyang ipinasabi kay Moises, “Akong iyong biyenang si Jetro ay naparito sa iyo, kasama ang iyong asawa at ang kanyang dalawang anak na lalaki.”
7Si Moises ay lumabas upang salubungin ang kanyang biyenan, at kanyang niyukuran at hinalikan. Sila'y nagtanungan sa isa't isa ng kanilang kalagayan at sila'y pumasok sa tolda.
8Isinalaysay ni Moises sa kanyang biyenan ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipcio alang-alang sa Israel, ang lahat ng hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas sila ng Panginoon.
9Ikinagalak ni Jetro ang lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Ehipcio.
10At sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng Faraon.
11Ngayo'y aking nalalaman na ang Panginoon ay lalong dakila kaysa lahat ng mga diyos sapagkat iniligtas niya ang bayan mula sa kamay ng mga Ehipcio, nang sila'y magpalalo laban sa kanila.”
12Si Jetro, na biyenan ni Moises ay kumuha ng handog na sinusunog at mga alay para sa Diyos. Si Aaron ay dumating kasama ang lahat ng matatanda sa Israel upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyenan ni Moises sa harap ng Diyos.
Pinayuhan ni Jetro si Moises
(Deut. 1:9-18)
13Kinabukasan, si Moises ay naupo bilang hukom ng bayan, at ang taong-bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa gabi.
14Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng kanyang ginagawa para sa taong-bayan, ay sinabi niya, “Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula umaga hanggang sa gabi?”
15Sinabi ni Moises sa kanyang biyenan, “Sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin upang sumangguni sa Diyos.
16Kapag sila'y may usapin, lumalapit sila sa akin at aking hinahatulan ang isang tao at ang kanyang kapwa. Aking ipinaaalam sa kanila ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan.”
17Sinabi ng biyenan ni Moises sa kanya, “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti.
18Ikaw at ang mga taong kasama mo ay manghihina sapagkat ang gawain ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa.
19Ngayon, makinig ka sa akin. Bibigyan kita ng payo, at sumaiyo nawa ang Diyos! Ikaw ang magiging kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, at dalhin mo ang kanilang mga usapin sa Diyos.
20Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.
21Bukod dito'y pipili ka sa buong bayan ng mga lalaking may kakayahan, gaya ng mga may takot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan at mga napopoot sa suhol. Ilagay mo ang mga lalaking iyon na mamuno sa kanila, mamuno sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.
22Hayaan mong humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, ngunit bawat munting usapin ay sila-sila ang magpapasiya, upang maging mas madali para sa iyo, at magpapasan silang kasama mo.
23Kapag ginawa mo ang bagay na ito at iyon ang iniuutos sa iyo ng Diyos, ikaw ay makakatagal, at ang buong bayang ito ay uuwing payapa.”
24Kaya't pinakinggan ni Moises ang kanyang biyenan at ginawa ang lahat ng kanyang sinabi.
25Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan sa buong Israel at ginawa niyang pinuno sila sa bayan, mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.
26Humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; ang mabibigat na usapin ay kanilang dinadala kay Moises, subalit bawat munting usapin ay sila-sila ang nagpapasiya.
27Pinayagan ni Moises na umalis na ang kanyang biyenan at siya'y umuwi sa sariling lupain.

Currently Selected:

EXODO 18: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in