YouVersion Logo
Search Icon

ISAIAS 35

35
Ang Landas ng Kabanalan
1Ang ilang at ang tuyong lupa ay magagalak,
at ang disyerto ay magagalak at mamumulaklak;
gaya ng rosas,
2ito ay mamumulaklak nang sagana,
at magsasaya na may kagalakan at awitan.
Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay rito,
ang karilagan ng Carmel at ng Sharon.
Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon,
ang karilagan ng ating Diyos.
3Inyong#Heb. 12:12 palakasin ang mahihinang kamay,
at patatagin ang mahihinang tuhod.
4Inyong sabihin sa kanila na may matatakuting puso,
“Kayo'y magpakatapang, huwag kayong matakot!
Narito, tingnan mo, ang inyong Diyos
ay darating na may paghihiganti,
na may ganti ng Diyos.
Siya'y darating at ililigtas kayo.”
5Kung#Mt. 11:5; Lu. 7:22 magkagayo'y mamumulat ang mga mata ng bulag,
at ang mga tainga ng bingi ay mabubuksan;
6kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa,
at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.
Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig,
at batis sa disyerto.
7At ang tigang na lupa ay magiging lawa,
at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig;
ang tahanan ng mga asong-gubat ay magiging latian,
ang damo ay magiging mga tambo at mga yantok.
8At magkakaroon doon ng lansangan, isang daanan,
at ito'y tatawaging ang Daan ng Kabanalan;
ang marumi ay hindi daraan doon;
ngunit ito'y para sa kanya na lumalakad sa daang iyon,
at ang mga hangal ay hindi maliligaw roon.
9Hindi magkakaroon ng leon doon,
o sasampa man doon ang anumang mabangis na hayop;
hindi sila matatagpuan doon,
kundi ang mga tinubos ay lalakad doon.
10At ang mga tinubos ng Panginoon ay magbabalik,
at darating sa Zion na nag-aawitan;
walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo;
sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan,
at ang kalungkutan at ang pagbubuntong-hininga ay maglalaho.

Currently Selected:

ISAIAS 35: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in