YouVersion Logo
Search Icon

ISAIAS 62

62
1Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
2At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
3Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
4Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’;#62:4 Sa Hebreo ay Azubah.
hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’;#62:4 Sa Hebreo ay Shemamah.
kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’,#62:4 Sa Hebreo ay Hefziba.
at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’,#62:4 Sa Hebreo ay Beulah.
sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo,
at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
5Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga,
gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki,
at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal,
gayon magagalak ang Diyos sa iyo.
6Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem;
sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi.
Kayong mga umaalala sa Panginoon,
huwag kayong magpahinga,
7at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,
hanggang sa maitatag niya
at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.
8Ang Panginoon ay sumumpa ng kanyang kanang kamay,
at ng bisig ng kanyang kalakasan:
“Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo
upang maging pagkain ng mga kaaway mo,
at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak
na pinagpagalan mo.
9Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon,
at magpupuri sa Panginoon,
at silang nagtipon niyon ay iinom niyon
sa mga looban ng aking santuwaryo.”
10Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan,
inyong ihanda ang lansangan para sa bayan;
inyong itayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan,
inyong alisin ang mga bato;
sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11Narito,#Isa. 40:10; Apoc. 22:12 ipinahayag ng Panginoon
hanggang sa dulo ng lupa:
Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion,
“Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating;
ang kanyang gantimpala ay nasa kanya,
at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.”
12At sila'y tatawaging “Ang banal na bayan,
Ang tinubos ng Panginoon”;
at ikaw ay tatawaging “Hinanap,
Lunsod na hindi pinabayaan.”

Currently Selected:

ISAIAS 62: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in