YouVersion Logo
Search Icon

MGA HUKOM 13

13
Ang Pagpapahirap ng Filisteo
1Ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon ng apatnapung taon sa kamay ng mga Filisteo.
2May isang lalaki sa Sora mula sa lipi ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa; at ang kanyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.
3At nagpakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at sinabi sa kanya, “Bagaman ikaw ay baog at walang anak, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki.
4Mag-ingat ka, huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anumang bagay na marumi;
5ikaw#Bil. 6:1-5 ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo sapagkat ang bata ay magiging Nazirita sa Diyos, mula sa sinapupunan, at kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
6Pagkatapos ang babae'y humayo at sinabi sa kanyang asawa, “Isang tao ng Diyos ang dumating sa akin, at ang kanyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Diyos na kagulat-gulat. Hindi ko naitanong kung saan siya nagmula, ni hindi niya sinabi sa akin ang kanyang pangalan.
7Ngunit sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Kaya't huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing at huwag kang kakain ng anumang maruming bagay, sapagkat ang bata'y magiging Nazirita sa Diyos mula sa sinapupunan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.’”
Ang Pangitain ni Manoa at ng Kanyang Asawa
8Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, “Ipinapakiusap ko sa iyo, O Panginoon, na pabalikin mo uli ang tao ng Diyos na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa batang ipapanganak.”
9At dininig ng Diyos ang tinig ni Manoa. Nagbalik ang anghel ng Diyos sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid, ngunit si Manoa na kanyang asawa ay hindi niya kasama.
10Nagmamadaling tumakbo ang babae, at sinabi sa kanyang asawa, “Ang lalaking naparito sa akin noong isang araw ay nagpakita sa akin.”
11Tumindig si Manoa at sumunod sa kanyang asawa, at pumunta sa lalaki, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang lalaking nagsalita sa babaing ito?” At kanyang sinabi, “Ako nga.”
12Sinabi ni Manoa, “Kapag nagkatotoo ang iyong mga salita, ano ang magiging uri ng pamumuhay ng bata, at ano ang kanyang gagawin?”
13At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay mag-ingat siya.
14Siya'y hindi maaaring kumain ng anumang bagay na nanggagaling sa ubasan. Hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, ni kakain ng anumang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kanya ay sundin niya.”
15Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ipahintulot mong ikaw ay aming pigilin, upang maipaghanda ka namin ng isang batang kambing.”
16At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Kahit na ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain, at kung ikaw ay maghahanda ng handog na sinusunog, ay iyong ihandog sa Panginoon.” (Sapagkat hindi nakilala ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.)
17Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ano ang iyong pangalan, upang kapag nangyari ang iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?”
18Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bakit mo itinatanong ang aking pangalan? Ito ay totoong kagila-gilalas?”
19Kaya't kumuha si Manoa ng isang batang kambing at ng handog na butil, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato, at sa kanya na gumagawa ng kamangha-mangha, samantalang si Manoa at ang kanyang asawa ay nakamasid.
20Nang pumapailanglang sa langit ang apoy mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay pumailanglang sa apoy ng dambana samantalang minamasdan ni Manoa at ng kanyang asawa; at sila'y nagpatirapa sa lupa.
Si Samson ay Ipinanganak
21Hindi na muling nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa at sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nabatid ni Manoa na iyon ay anghel ng Panginoon.
22At sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na tayo'y mamamatay, sapagkat ating nakita ang Diyos.”
23Ngunit sinabi kay Manoa ng kanyang asawa,#13:23 Sa Hebreo ay ng asawa niya sa kanya. “Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog at ang handog na butil sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sinabi man sa panahong ito ang mga bagay na gaya nito.”
24Nanganak ang babae ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki at pinagpala ng Panginoon.
25Nagpasimulang kilusin siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Estaol.

Currently Selected:

MGA HUKOM 13: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in