YouVersion Logo
Search Icon

MGA HUKOM 9

9
Pinatay ni Abimelec ang mga Anak ni Gideon
1Si Abimelec na anak ni Jerubaal ay nagtungo sa Shekem sa mga kapatid ng kanyang ina, at sinabi sa kanila at sa buong angkan ng sambahayan ng kanyang ina,
2“Sabihin ninyo sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, ‘Alin ang mas mabuti para sa inyo, na lahat ng pitumpung anak na lalaki ni Jerubaal ay mamuno sa inyo, o isa ang mamuno sa inyo?’ Alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.”
3At sinalita ng mga kamag-anak ng kanyang ina ang lahat ng mga salitang ito sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, at ang kanilang puso ay sumunod kay Abimelec, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ating kapatid.”
4Kanilang binigyan siya ng pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, na siyang iniupa ni Abimelec sa mga taong bandido at mga palaboy, na ang mga ito'y ang sumunod sa kanya.
5Siya'y naparoon sa bahay ng kanyang ama sa Ofra, at pinatay ang kanyang mga kapatid na mga anak ni Jerubaal, na pitumpung katao, sa ibabaw ng isang bato. Ngunit si Jotam na bunsong anak ni Jerubaal ay nalabi, sapagkat siya'y nagtago.
6Lahat ng mga lalaki sa Shekem ay nagtipun-tipon pati ang buong Bet-milo. Sila'y humayo at kanilang ginawang hari si Abimelec, sa tabi ng ensina ng haliging nasa Shekem.
Ang Pabula ni Jotam
7Nang ito ay napabalita kay Jotam, siya'y humayo at tumayo sa tuktok ng bundok Gerizim, at pasigaw na sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, kayong mga lalaki sa Shekem, upang pakinggan kayo ng Diyos.
8Minsan, ang mga punungkahoy ay humayo upang magtalaga ng hari sa kanila; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, ‘Maghari ka sa amin.’
9Ngunit sinabi ng puno ng olibo sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katabaan, na nakapagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao, upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
10At sinabi ng mga punungkahoy sa puno ng igos, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
11Ngunit sinabi ng puno ng igos sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katamisan at ang aking mabuting bunga, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
12At sinabi ng mga punungkahoy sa ubas, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
13Ngunit sinabi ng ubas sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking alak na nagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
14Pagkatapos ay sinabi ng lahat ng mga punungkahoy sa dawag, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
15At sinabi ng dawag sa mga punungkahoy, ‘Kung tunay na ako'y inyong itinatalagang hari sa inyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim. Kung hindi, hayaan ninyong lumabas ang apoy sa dawag at lamunin ang mga sedro ng Lebanon.’
16“Ngunit ngayon, kung tapat at matuwid ninyong ginawang hari si Abimelec, at kung nakitungo kayo ng mabuti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan, at kayo'y gumawa sa kanya ng marapat sa kanyang mga gawa,
17sapagkat ipinaglaban kayo ng aking ama at isinuong ang kanyang buhay, at iniligtas kayo sa kamay ng Midian,
18at kayo'y bumangon laban sa sambahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kanyang mga anak, na pitumpung lalaki sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec, na anak ng kanyang asawang-lingkod, sa mga mamamayan sa Shekem, sapagkat siya'y inyong kapatid,
19kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelec at magalak naman siya sa inyo.
20Ngunit kung hindi, ay lumabas ang apoy mula kay Abimelec, at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo; at lumabas ang apoy sa mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo at lamunin si Abimelec.”
21Pagkatapos, si Jotam ay patakbong tumakas, nagtungo sa Beer at nanirahan doon dahil sa takot kay Abimelec na kanyang kapatid.
22Si Abimelec ay namuno sa Israel sa loob ng tatlong taon.
23At nagsugo ang Diyos ng isang masamang espiritu sa pagitan ni Abimelec at ng mga lalaki sa Shekem; at ang mga lalaki sa Shekem ay nagtaksil kay Abimelec.
24Ito ay nangyari upang ang karahasan na ginawa sa pitumpung anak ni Jerubaal ay maipaghiganti,#9:24 o dumating. at ang kanilang dugo ay singilin kay Abimelec na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalaki sa Shekem na nagpalakas ng kanyang mga kamay upang patayin ang kanyang mga kapatid.
25Kaya't tinambangan siya ng mga lalaki sa Shekem sa mga tuktok ng mga bundok; kanilang pinagnakawan ang lahat na dumaan sa daang iyon at ibinalita ito kay Abimelec.
Ang Tangka ni Gaal Laban kay Abimelec
26Nang dumating sa Shekem si Gaal na anak ni Ebed na kasama ang kanyang mga kapatid, inilagak ng mga lalaki sa Shekem ang kanilang tiwala sa kanya.
27Sila'y lumabas sa bukid, namitas sa kanilang mga ubasan, pinisa, at nagpista. Pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos, nagkainan at nag-inuman, at nilait si Abimelec.
28At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, “Sino ba si Abimelec at sino ba tayo sa Shekem, upang ating paglingkuran siya? Hindi ba ang anak ni Jerubaal at si Zebul na kanyang pinuno ay naglingkod sa mga tauhan ni Hamor na ama ni Shekem? Bakit tayo maglilingkod sa kanya?
29Sana ang bayang ito'y mapasailalim ng aking kamay. Kung magkagayon aking paaalisin si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya, ‘Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.’”
30Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lunsod ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagningas ang kanyang galit.
31At nagpadala siya ng mga sugo kay Abimelec, na nagsabi, “Si Gaal na anak ni Ebed at ang kanyang mga kapatid ay naparoon sa Shekem; at kanilang sinusulsulan#9:31 o kinukubkob. ang lunsod laban sa iyo.
32Kaya't ngayon, umalis kayo sa gabi, ikaw at ang mga lalaking kasama mo, at mag-abang kayo sa bukid.
33Kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay maaga kang bumangon at lusubin mo ang lunsod. Kapag siya at ang mga taong kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo sa kanila ang hinihingi ng pagkakataon.”
Nagapi ni Abimelec si Gaal
34Kinagabihan si Abimelec at ang lahat ng apat na pulutong ng mga lalaking kasama niya ay nag-abang sa Shekem.
35Lumabas si Gaal na anak ni Ebed at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Si Abimelec at ang mga taong kasama niya ay tumindig sa pananambang.
36Nang sila ay makita ni Gaal, kanyang sinabi kay Zebul, “May mga lalaking bumababa mula sa mga tuktok ng bundok!” Sinabi ni Zebul sa kanya, “Ang iyong nakikita'y mga anino ng mga bundok na parang mga lalaki.”
37Nagsalita uli si Gaal, “Tingnan mo, may mga lalaking bumababa mula sa kalagitnaan ng lupain, at ang isang pulutong ay dumarating mula sa daan ng ensina ng Meonenim.”
38Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kanya, “Nasaan ngayon ang iyong bibig, na iyong sinabi, ‘Sino ba si Abimelec upang tayo'y maglingkod sa kanya?’ Hindi ba ito ang mga taong iyong hinamak? Lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.”
39At lumabas si Gaal sa unahan ng mga lalaki ng Shekem, at nilabanan si Abimelec.
40Hinabol siya ni Abimelec at siya'y tumakas sa harap niya, at maraming nabuwal na sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
41Kaya't si Abimelec ay nanirahan sa Aruma; at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kanyang mga kapatid, kaya't sila'y hindi makapanirahan sa Shekem.
42Nang sumunod na araw ang mga tao ay lumabas sa parang at ibinalita ito kay Abimelec.
43Kinuha niya ang kanyang mga tauhan at hinati niya sa tatlong pangkat, at nagbantay sa parang. Siya'y tumingin, at kanyang nakita na ang mga tao ay lumalabas sa bayan, siya ay bumangon laban sa kanila at pinatay sila.
44Si Abimelec at ang pangkat na kasama niya ay sumugod at tumayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, habang ang dalawang pulutong ay sumusugod doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y pinatay nila.
45Lumaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon. Kanyang sinakop ang lunsod, at pinatay ang mga taong nasa loob niyon. Kanyang giniba ang lunsod at sinabuyan ng asin.
Binihag ang Shekem at ang Tebez
46Nang mabalitaan iyon ng lahat ng mga lalaki sa Tore ng Shekem, pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berit.
47Ibinalita kay Abimelec na ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay nagtitipon.
48Kaya't umakyat si Abimelec sa bundok ng Zalmon at ang mga lalaking kasama niya. Kumuha si Abimelec ng isang palakol, at pumutol ng isang bigkis ng mga kahoy at ipinasan sa kanyang balikat. At sinabi niya sa mga taong kasama niya, “Kung ano ang nakita ninyong ginagawa ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.”
49Kaya't bawat isa sa mga tao ay pumutol ng kanya-kanyang bigkis, at sumunod kay Abimelec. Ipinaglalagay nila iyon sa kuta, at sinunog ang kuta sa pamamagitan niyon. Kaya't ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay namatay rin, na may mga isang libong lalaki at babae.
50Pagkatapos ay pumunta si Abimelec sa Tebez, at nagkampo laban sa Tebez, at sinakop iyon.
51Ngunit may isang matibay na tore sa loob ng lunsod, at tumakas ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat na nasa lunsod at pinagsarhan ang kanilang sarili doon. Pagkatapos ay umakyat sila sa bubungan ng tore.
52Pumunta si Abimelec sa tore at lumaban, at lumapit sa pintuan ng tore upang sunugin iyon ng apoy.
53Ngunit#2 Sam. 11:21 may isang babae na naghagis ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec at nabasag ang kanyang bungo.
54Nang magkagayo'y dali-dali niyang tinawag ang kabataang lalaki na kanyang tagadala ng sandata, at sinabi niya sa kanya, “Bunutin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, baka sabihin tungkol sa akin ng mga tao, ‘Isang babae ang pumatay sa kanya.’” At sinaksak siya ng kanyang batang tauhan, at siya'y namatay.
55Nang makita ng Israel na patay na si Abimelec, umuwi ang bawat lalaki sa kanya-kanyang bahay.
56Gayon pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kanyang ama, sa pagpatay sa kanyang pitumpung kapatid.
57At ang buong kasamaan ng mga lalaki sa Shekem ay ipinataw ng Diyos sa kanilang mga ulo; at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotam na anak ni Jerubaal.

Currently Selected:

MGA HUKOM 9: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in