YouVersion Logo
Search Icon

JEREMIAS 14

14
Ang Matinding Tagtuyot
1Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2“Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7“Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11Sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito.
12Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.”
13Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong Diyos! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”
14At sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip.
15Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, ‘Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:’ Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon.
16At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila—sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan.
17“Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
ng isang napakabigat na dagok.
18Kung ako'y lalabas sa parang,
tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
at walang kaalaman.’”
19Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
at ang kasamaan ng aming mga magulang;
sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.

Currently Selected:

JEREMIAS 14: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in