YouVersion Logo
Search Icon

MGA KAWIKAAN 14

14
1Ang matalinong babae#14:1 Sa Hebreo ay Karunungan ng kababaihan. ay nagtatayo ng kanyang bahay,
ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.
2Ang lumalakad sa katuwiran sa Panginoon ay gumagalang,
ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan.
3Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod#14:3 Sa Hebreo ay pamalo ng kapalaluan.
ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod.
4Kung saan walang baka ay wala ring butil,
ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling.
5Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi,
ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi.
6Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan at walang natatagpuan,
ngunit ang kaalaman ay madali sa taong may kaunawaan.
7Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal,
sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.
8Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan,
ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang.
9Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan,
ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban.
10Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan,
at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan.
11Ang bahay ng masama ay magigiba,
ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana.
12Mayroong#Kaw. 16:25 daan na tila matuwid sa isang tao,
ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
13Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw,
at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan.
14Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya,
at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa.
15Ang bawat salita'y pinaniniwalaan ng walang muwang,
ngunit tinitingnan ng marunong ang kanyang patutunguhan.
16Ang matalinong tao'y maingat at sa masama'y umiiwas,
ngunit iwinawaksi ng hangal ang pagpipigil at siya'y walang ingat.
17Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan,
ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan.
18Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan,
ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman.
19Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti,
at ang masama sa mga pintuan ng matuwid.
20Inaayawan ang dukha maging ng kanyang kapitbahay,
ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21Ang humahamak sa kanyang kapwa ay nagkakasala,
ngunit ang mabait sa mga dukha ay masaya.
22Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan?
Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan.
23Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang,
ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan.
24Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,
ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.
25Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan.
26Sa takot sa Panginoon ang tao'y may pagtitiwalang matibay,
at ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan.
27Ang takot sa Panginoon ay bukal ng buhay,
upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
28Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong-bayan,
ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan.
29Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan,
ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan.
30Ang tiwasay na puso ay nagbibigay-buhay sa laman,
ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan.
31Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang,
ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal.
32Ang masama ay ibinabagsak dahil sa kanyang gawang kasamaan,
ngunit ang matuwid ay may kanlungan dahil sa kanyang katapatan.
33Ang karunungan ay nananatili sa puso ng may kaunawaan,
ngunit nalalaman ang nasa mga puso ng hangal.
34Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa,
ngunit ang kasalanan sa alinmang bayan ay pagkutya!
35Ang pagpapala ng hari ay nasa lingkod na gumagawang may katalinuhan,
ngunit ang kanyang poot ay dumarating sa nagdudulot ng kahihiyan.

Currently Selected:

MGA KAWIKAAN 14: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in