YouVersion Logo
Search Icon

MGA KAWIKAAN 21

21
1Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang batis ng tubig;
ibinabaling niya ito saanman niya ibig.
2Matuwid sa kanyang sariling mga mata ang bawat lakad ng tao,
ngunit tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
3Ang paggawa ng katuwiran at katarungan,
ay higit na kalugud-lugod sa Panginoon kaysa pag-aalay.
4Ang mapagmataas na tingin, at ang pusong palalo,
siyang ilaw ng masama, ang mga ito'y kasalanan.
5Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan,
ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.
6Ang pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng dilang bulaan,
ay singaw na tinatangay at bitag ng kamatayan.
7Ang karahasan ng masama ang sa kanila'y tatangay,
sapagkat ayaw nilang gawin ang makatarungan.
8Liko ang lakad ng may kasalanan,
ngunit matuwid ang asal ng dalisay.
9Mas mabuting tumira sa isang sulok ng bubungan,
kaysa sa isang bahay na kasama ang isang babaing palaaway.
10Ang kaluluwa ng masama ay kasamaan ang ninanasa,
ang kanyang kapwa ay hindi nakakasumpong ng awa sa kanyang mga mata.
11Kapag ang manlilibak ay pinarurusahan, tumatalino ang walang muwang,
kapag ang matalino ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
12Pinagmamasdan ng matuwid ang bahay ng masama,
ibinubulid ang masama sa pagkasira.
13Ang nagtatakip ng kanyang mga pandinig sa daing ng dukha,
siya man ay dadaing, ngunit hindi diringgin.
14Ang lihim na regalo ay nagpapatahimik ng galit,
ngunit ang suhol sa dibdib ay malaking poot.
15Kagalakan sa matuwid kapag nagawa ang katarungan,
ngunit kabalisahan sa gumagawa ng kasamaan.
16Ang taong lumilihis sa landas ng kaunawaan,
ay magpapahinga sa kapisanan ng mga patay.
17Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha,
ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.
18Ang masama ay pantubos para sa matuwid,
at ang taksil, sa matuwid ay kapalit.
19Mas mabuti pang tumira sa ilang na lupain,
kaysa makasama ang babaing palaaway at bugnutin.
20Nananatili sa tahanan ng pantas ang mahalagang kayamanan,
ngunit ito'y nilalamon ng isang hangal.
21Ang sumusunod sa katuwiran at kabaitan,
ay makakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
22Sinusukat ng taong pantas ang lunsod ng makapangyarihan,
at ibinabagsak ang muog na kanilang pinagtitiwalaan.
23Ang nag-iingat ng kanyang dila at bibig,
ay nag-iingat ng kanyang sarili mula sa ligalig.
24Ang palalo at mapagmataas na tao, “manlilibak” ang kanyang pangalan,
siya'y gumagawa na may palalong kahambugan.
25Ang pagnanasa ng tamad ang sa kanya'y pumapatay,
sapagkat ayaw magpagal ng kanyang mga kamay.
26Sa buong maghapon ang masama'y nag-iimbot,
ngunit ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagdadamot.
27Karumaldumal ang alay ng masama;
gaano pa kaya, kapag dinadala niya ito na may masamang panukala.
28Mapapahamak ang sinungaling na saksi,
ngunit ang salita ng taong nakikinig ay mananatili.
29Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kanyang mukha;
ngunit isinasaalang-alang ng taong matuwid ang mga lakad niya.
30Walang karunungan, pang-unawa, o payo
ang mananaig laban sa Panginoon.
31Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng paglalaban,
ngunit nauukol sa Panginoon ang pagtatagumpay.

Currently Selected:

MGA KAWIKAAN 21: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in