YouVersion Logo
Search Icon

MGA KAWIKAAN 26

26
1Tulad ng yelo sa tag-init, o ng ulan sa anihan,
ang karangalan ay hindi nababagay sa hangal.
2Tulad ng maya sa kanyang paggagala, tulad ng langay-langayan sa kanyang paglipad,
ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi lumalapag.
3Ang hagupit ay sa kabayo, ang bokado ay sa asno,
at sa likod ng mga hangal ay ang pamalo.
4Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya,
baka ikaw sa kanya ay mapagaya.
5Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya,
baka siya'y maging pantas sa kanyang sariling mga mata.
6Siyang nagpapadala ng mensahe sa kamay ng hangal,
ay pumuputol sa sarili niyang mga paa at umiinom ng karahasan.
7Tulad ng mga binti ng pilay na nakabiting walang kabuluhan,
gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
8Tulad ng isang nagbabalot ng bato sa tirador,
gayon ang nagbibigay ng karangalan sa isang hangal.
9Tulad ng tinik na tumutusok sa kamay ng lasing,
gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
10Tulad ng mamamanang sumusugat sa lahat,
gayon ang umuupa sa nagdaraang hangal o lasing.
11Tulad#2 Ped. 2:22 ng aso na sa kanyang suka ay bumabalik,
gayon ang hangal na sa kanyang kahangalan ay umuulit.
12Nakikita mo ba ang taong marunong sa ganang sarili niya?
May higit na pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
13Sinasabi ng tamad, “May leon sa daan;
may leon sa mga lansangan!”
14Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kanyang bisagra,
gayon ang tamad sa higaan niya.
15Ibinabaon ng tamad ang kamay niya sa pinggan;
ang dalhin uli iyon sa kanyang bibig ay kanyang kinapapaguran.
16Ang tamad ay mas marunong sa kanyang sariling pananaw,
kaysa pitong tao na makakasagot na may katuwiran.
17Ang nakikialam sa hindi naman niya away,
ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan.
18Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan;
19gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa,
at nagsasabi, “Ako'y nagbibiro lamang!”
20Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay,
at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan.
21Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy;
gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot.
22Ang mga salita ng sitsit ay parang mga subong malinamnam,
nagsisibaba ang mga ito sa kaloob-looban ng katawan.
23Ang mapupusok na labi at masamang puso
ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
24Ang namumuhi ay nagkukunwari sa pamamagitan ng mga labi niya,
at siya'y naglalagay sa puso niya ng daya.
25Kapag magiliw siyang magsalita, huwag mo siyang paniwalaan;
sapagkat sa kanyang puso ay may pitong karumaldumal.
26Bagaman ang kanyang pagkamuhi ay matakpan ng kadayaan,
ang kanyang kasamaan ay malalantad sa harap ng kapulungan.
27Ang humuhukay ng balon ay mahuhulog doon,
at ang nagpapagulong ng bato ay babalikan niyon.
28Ang sinungaling na dila ay namumuhi sa kanyang mga sinaktan,
at ang bibig ng di-tapat magpuri ay gumagawa ng kasiraan.

Currently Selected:

MGA KAWIKAAN 26: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in