YouVersion Logo
Search Icon

MGA TAGA ROMA 1

1
1Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,
2na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,
3tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman
4at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin.
5Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan;
6sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo:
7Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.
9Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,
10at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.
11Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.
12Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.
13Nais#Gw. 19:21 kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.
14Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.
15Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
16Sapagkat#Mc. 8:38 hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.
17Sapagkat#Hab. 2:4 dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”#1:17 o Ang taong matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.
Ang Pagkakasala ng Sangkatauhan
18Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan.
19Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila.
20Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan;
21sapagkat#Ef. 4:17, 18 kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim.
22Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal,
23at#Deut. 4:16-18 ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang.
24Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili;
25sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen.
26Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.
27At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali.
28At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat.
29Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at punô ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis,
30mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos,#1:30 o kinapopootan ng Diyos. mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang,
31mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa.
32Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon.

Currently Selected:

MGA TAGA ROMA 1: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in