YouVersion Logo
Search Icon

ANG AWIT NG MGA AWIT 7

7
Mangingibig
1Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas
O mala-reynang babae!
Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas,
na gawa ng bihasang kamay.
2Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok,
na hindi nawawalan ng alak na may halo.
Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo,
na napapaligiran ng mga liryo.
3Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa,
na mga kambal ng inahing usa.
4Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing.
Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon,
sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim.
Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon
na nakatanaw sa Damasco.
5Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel,
at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube;
ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon.
6Napakaganda at kaaya-aya ka!
O minamahal, kaakit-akit na dalaga!
7Ikaw ay magilas na parang puno ng palma,
at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito.
8Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma,
at hahawak sa mga sanga niyon.
Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas,
at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas,
9at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak,
na tumutulo nang marahan,
na dumudulas sa mga labi at ngipin.
Babae
10Ako'y sa aking minamahal,
at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin.
11Halika, sinta ko,
pumunta tayo sa mga bukid,
manirahan tayo sa mga nayon;
12magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan,
at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas,
kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na,
at kung ang mga granada ay namumulaklak.
Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig.
13Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango,
at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga,
mga luma at bago,
na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in