YouVersion Logo
Search Icon

1 Mga Cronica 16

16
Ang Kaban sa Loob ng Tolda
1Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. 2Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, 3at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.
4Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. 5Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. 6Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. 7Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.
Ang Awit ng Papuri
(Awit 105:1-15; 96:1-13; 106:1, 47-48)
8Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
9Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14Si Yahweh ang ating Diyos,
nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16Ang#Gen. 12:7; Gen. 26:3. ginawa niyang tipan kay Abraham,
pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17Kay#Gen. 28:13. Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18“Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”
19Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21Di#Gen. 20:3-7. hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
ang mga propeta ko ay iyong igalang.”
23Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.
25Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.
28Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
“Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.
34Purihin#2 Cro. 5:13; 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11. si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!
Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.
Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon
37Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.
43Pagkatapos,#2 Sam. 6:19-20. nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.

Currently Selected:

1 Mga Cronica 16: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in