YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Taga-Corinto 10

10
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
1Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbabá at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag malayo, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo. 2Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 3Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 4Ang sandatang ginamit namin sa pakikipaglaban ay hindi sandatang makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, 5ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo. 6At kung lubusan na kayong sumusunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng sumusuway.
7Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. 8Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. 9Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa sulat kong ito. 10Sinasabi ng ilan na sa sulat lamang ako matapang, ngunit sa harapan nama'y walang magawâ. 11Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong malayo kami, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami.
12Hindi namin ipapantay, o ihahambing man lamang, ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at parisan ng kanilang sarili! 13Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay sa akin ng Diyos, ang gawaing inilaan niya sa amin, kasama na ang pangangaral namin sa inyo. 14Hindi kami naging palalo nang kami'y pumunta riyan sa inyo. Hindi ba't kami ang unang pumariyan at nagdala sa inyo ng Magandang Balita tungkol kay Cristo? 15Hindi namin ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba. Umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak ang aming gawain sa inyo, ngunit hindi naman lalampas sa hangganang inilagay ng Diyos. 16Sa gayon, maipapangaral naman namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain. At hindi namin aangkinin ang ginawa ng iba.
17Tulad#Jer. 9:24. ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” 18Ang pinaparangalan ng Panginoon ay ang mga taong karapat-dapat sa kanyang kalooban at hindi ang pumupuri sa sarili.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in