YouVersion Logo
Search Icon

Isaias 32

32
Ang Matuwid na Hari
1Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid,
at mga pinunong magpapairal ng katarungan.
2Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin
at pananggalang sa nagngangalit na bagyo;
ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain,
parang malaking batong kublihan sa disyerto!
3Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga
sa pangangailangan ng mga tao.
4Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos,
magiging matapat sila sa kanilang sasabihin.
5Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila;
o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling.
6Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan,
at puro kasamaan ang kanyang iniisip;
paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi.
Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom
o nagpainom ng nauuhaw.
7Masama ang gawain ng taong hangal.
Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan,
at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan.
8Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat,
at naninindigan sa kung ano ang tama.
Paghatol at Pagpapanumbalik
9Kayong mga babaing pabaya,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10Pagkalipas ng isang taon
mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
at magsuot ng damit-panluksa.
12Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14Pati ang palasyo ay pababayaan
at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
at pastulan ng mga tupa.
15Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
Ang disyerto ay magiging matabang lupa
at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16Ang katarungan at katuwiran
ay maghahari sa buong lupain.
17Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
ligtas, at tahimik na pamayanan.
19Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
at mapatag ang kabundukan.
20Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
at malawak na pastulan ng mga baka at asno.

Currently Selected:

Isaias 32: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in