Genesis 4

4
Si Cain at si Abel
1Pagkatapos noon, sumiping si Adan sa asawa niyang si Eva at nagbuntis ito. Nang manganak si Eva, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, kaya Cain ang ipapangalan ko sa kanya.”#4:1 Cain: Maaaring ang ibig sabihin, nakaangkin. 2At muling nanganak si Eva ng lalaki at Abel ang ipinangalan sa kanya.
Nang lumaki na sila, si Abel ay naging pastol ng mga tupa at kambing, at si Cain naman ay naging magsasaka. 3Isang araw, naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya. 4Si Abel naman ay kumuha ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop, kinatay ito at inihandog sa Dios ang pinakamagandang bahagi. Natuwa ang Panginoon kay Abel at sa handog nito, 5pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito. At dahil dito, sumimangot si Cain at labis ang kanyang galit. 6Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? 7Kung mabuti lang ang ginawa mo, maligaya ka#4:7 maligaya ka: o, tinanggap ko ang iyong handog. sana. Pero mag-ingat ka! Dahil kung hindi mabuti ang ginagawa mo, ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nagbabantay sa iyo para tuklawin ka. Kaya kailangang talunin mo ito.”
8Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, “Halika, pumunta tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel.
9Pagkatapos, nagtanong ang Panginoon kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?” Sumagot si Cain, “Ewan ko, hindi ko alam kung nasaan siya. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?” 10Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Ano ang iyong ginawa? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. 11Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na pinatay mo. 12Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.”
13Sinabi ni Cain sa Panginoon, “Napakabigat ng parusang ito para sa akin. 14Itinataboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Wala na akong matitirhan, kaya kahit saan na lang ako pupunta. At kung may makakakita sa akin, tiyak na papatayin niya ako.”
15Pero sinabi ng Panginoon kay Cain, “Hindi iyan mangyayari sa iyo! Sapagkat ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.”#4:15 pitong beses: Ang ibig sabihin, pitong beses ang tindi ng ganti. Kaya nilagyan ng Panginoon ng palatandaan si Cain para hindi siya patayin ng kahit sinong makakakita sa kanya. 16Pagkatapos, lumayo si Cain sa Panginoon at doon tumira sa lugar ng Nod,#4:16 Nod: Maaaring ang ibig sabihin, kahit saang lugar na lang pumupunta. sa bandang silangan ng Eden.
Ang mga Lahi ni Cain
17Sumiping si Cain sa asawa niya. Nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan nila siyang Enoc. Nagpatayo si Cain ng isang lungsod at pinangalanan niya itong Enoc kagaya ng pangalan ng kanyang anak. 18Si Enoc ay may anak ding lalaki na ang pangalan ay Irad. Si Irad ang ama ni Mehujael; si Mehujael ang ama ni Metusael; at si Metusael ang ama ni Lamec. 19Si Lamec ay may dalawang asawa na sina Ada at Zila. 20Ipinanganak ni Ada si Jabal na siyang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga tolda, na nag-aalaga ng mga hayop. 21May kapatid si Jabal na lalaki na ang pangalan ay Jubal, na siyang pinagmulan ng lahat na tagatugtog ng alpa at plauta. 22Si Zila ay nagkaanak din ng lalaki na ang pangalan ay Tubal Cain. Si Tubal Cain ay gumagawa ng lahat ng klase ng kagamitan mula sa bakal at tanso. May kapatid siyang babae na si Naama.
23Isang araw, sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa,
“Ada at Zila, mga asawa ko, pakinggan nʼyo ako. Pinatay ko ang isang binatilyo dahil sinaktan niya ako.
24Kung pitong beses ang tindi ng ganti sa taong pumatay kay Cain,
77 beses ang tindi ng ganti sa taong papatay sa akin.”
Ang mga Lahi ni Set
25Sumiping muli si Adan kay Eva at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan niya itong Set.#4:25 Set: Maaaring ang ibig sabihin, ibinigay. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Dios ng anak na lalaki bilang kapalit ni Abel na pinatay ni Cain.” 26Nang bandang huli, si Set ay nagkaroon din ng anak na lalaki na pinangalanan niyang Enosh.
Nang panahong isinilang si Enosh, ang mga taoʼy nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.

S'ha seleccionat:

Genesis 4: ASND

Subratllat

Comparteix

Copia

None

Vols que els teus subratllats es desin a tots els teus dispositius? Registra't o inicia sessió