Lucas 16

16
Ang Talinhaga ng Tusong Katiwala
1Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. 2Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang#6 Ang bawat tapayan ay maaaring maglaman ng halos 37 litro. langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. 7At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”
9At#Tb. 49:11. nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
13“Walang#Mt. 6:24. aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.”
Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan
(Mt. 11:12-13; 5:31-32; Mc. 10:11-12)
14Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi. 15Kaya't sinabi niya sa kanila, “Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
16“Ang#Mt. 11:12-13. Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at ang lahat ay nagpipilit na makapasok dito. 17Mas#Mt. 5:18. madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kaliit-liitang titik ng Kautusan.
18“Kapag#Mt. 5:32; 1 Cor. 7:10-11. pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Ang Mayaman at si Lazaro
19“May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay maligaya siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’
27“Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap ko pong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang sundin.’ 30Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

S'ha seleccionat:

Lucas 16: RTPV05

Subratllat

Comparteix

Copia

None

Vols que els teus subratllats es desin a tots els teus dispositius? Registra't o inicia sessió