12
Ang Pagtawag ng Diyos kay Abram
1Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong lupain, ang iyong mga kamag-anak maging ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.”
2“Gagawin kong isang malaking bansa ang lahi mo,
at pagpapalain kita.
Gagawin kong tanyag ang pangalan mo,
at marami ang pagpapalain dahil sa iyo.
3Pagpapalain ko ang mga magpapala saʼyo.
Ngunit isusumpa ko naman ang mga susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan moʼy pagpapalain ko
ang lahat ng tao sa mundo.”
4Kaya umalis si Abram ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya, at sumáma si Lot sa kanya. Si Abram ay pitumpuʼt limang taóng gulang na noong umalis siya roon. 5Kasama niya ang asawa niyang si Sarai, ang pamangkin niyang si Lot, at ang lahat ng mga ari-ariang naipon nila pati ang mga aliping nakuha nila sa Haran. Umalis sila patungo sa lupain ng Canaan at dumating sila roon.
6Nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno#12:6 malaking puno: Maaaring, puno ng terebinto. Pinaniniwalaang banal na puno ito. ng Moreh doon sa Shekem. Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo. 7Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.
8Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa pagitan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar para sa Panginoon kung saan niya sinamba ang Panginoon.
9Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negeb.
Si Abram sa Ehipto
10Noong panahong iyon nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Ehipto upang doon muna manirahan. 11Nang paparating na sila sa Ehipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. 12Kapag nakita ka ng mga Ehipsiyo, sasabihin nilang asawa kita, kaya papatayin nila ako upang makuha ka nila. 13Ang mabuti paʼy sabihin mo sa kanilang magkapatid tayo upang hindi nila ako patayin at upang maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin dahil sa iyo.”
14Pagdating nga nila sa Ehipto, nakita ng mga Ehipsiyo ang kagandahan ni Sarai. 15At nang makita siya ng mga opisyal ng Faraon,#12:15 Faraon: O hari ng Ehipto. sinabi nila sa hari kung gaano siya kaganda. Kaya dinala si Sarai roon sa palasyo. 16Dahil kay Sarai, naging mabuti ang pakikitungo ng hari kay Abram at binigyan pa siya ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17Ngunit binigyan ng Panginoon ng nakakakilabot na karamdaman ang Faraon at ang mga tauhan niya sa palasyo dahil kay Sarai. 18Kaya ipinatawag ng Faraon si Abram at tinanong, “Ano ba itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi na asawa mo pala siya? 19Bakit mo sinabing magkapatid kayo? Kaya kinuha ko siya upang maging asawa ko. Ngayon, heto ang asawa mo, kunin mo siya at umalis na kayo!” 20Pagkatapos, nag-utos ang Faraon sa mga tauhan niya na paalisin na sila. Kaya dinala nila si Abram palabas ng lupain na iyon at pinaalis kasama ang kanyang asawa at ang lahat ng kanyang ari-arian.