Pagkatapos, pumunta si Jesus kasama ang mga tagasunod niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon upang manalangin.” Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedee. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, lumuhod at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lang? Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
Lumayong muli si Jesus at nanalangin, “Ama ko, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy mangyari ang kalooban ninyo.” Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.
Lumayo ulit si Jesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. Binalikan niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang taong nagtatraydor sa akin.”
Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” Lumapit si Judas kay Jesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Guro!” saka hinalikan siya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Jesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. Hindi mo ba alam na pwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng 12 batalyon ng mga anghel? Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?”
Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.