Si Nabucodonosor na hari ay gumawa ng isang larawang ginto na ang taas ay anim na pung siko, at ang luwang niyao'y anim na siko: kaniyang itinayo sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia. Nang magkagayo'y nagsugo si Nabucodonosor na hari upang pisanin ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno, at ang lahat na pinuno sa mga lalawigan upang magsiparoon sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari. Nang magkagayo'y ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno at lahat ng pinuno sa mga lalawigan, ay nagpisan sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari; at sila'y nagsitayo sa harap ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor. Nang magkagayo'y ang tagapagtanyag ay sumigaw ng malakas, Sa inyo'y iniuutos, Oh mga bayan, mga bansa, at mga wika, Na sa anomang oras na inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, kayo'y mangagpatirapa at magsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari; At sinoman na hindi magpatirapa at sumamba sa oras na yaon ay ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas. Kaya't sa oras na yaon, pagkarinig ng buong bayan ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, at ng lahat na sarisaring panugtog, lahat na bayan, mga bansa, at mga wika, ay nangagpatirapa at nagsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari. Dahil dito sa oras na yaon ay nagsilapit ang ilang taga Caldea, at nagsumbong laban sa mga Judio. Sila'y nagsisagot, at nangagsabi kay Nabucodonosor na hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man. Ikaw, Oh hari, nagpasiya, na bawa't tao na makarinig ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, ay magpapatirapa, at sasamba sa larawang ginto. At sinomang hindi magpatirapa at sumamba, ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas. May ilang Judio na iyong inihalal sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia na si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego; ang mga lalaking ito, Oh hari, ay hindi ka pinakundanganan: sila'y hindi nangaglilingkod sa iyong mga dios, ni nagsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo. Nang magkagayo'y sa poot at pusok ni Nabucodonosor, ay nagutos na dalhin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego. Kanila ngang dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari. Si Nabucodonosor ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Sinasadya nga ba ninyo, Oh Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na kayo'y hindi mangaglilingkod sa aking dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na aking itinayo? Kung kayo nga'y magsihanda sa panahong inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, na mangagpatirapa at magsisamba sa larawan na aking ginawa, mabuti: nguni't kung kayo'y hindi magsisamba, kayo'y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas; at sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay? Si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Oh Nabucodonosor, kami ay walang kailangan na magsisagot sa iyo sa bagay na ito. Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari. Nguni't kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo. Nang magkagayo'y napuspos ng kapusukan si Nabucodonosor, at ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego: kaya't siya'y nagsalita, at nagutos na kanilang paiinitin ang hurno ng makapito na higit kay sa dating pagiinit. At kaniyang inutusan ang ilang malakas na lalake na nangasa kaniyang hukbo na gapusin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, at sila'y ihagis sa mabangis na hurnong nagniningas. Nang magkagayo'y ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may kanilang ibang mga kasuutan, at sila'y inihagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas. Sapagka't ang utos ng hari ay madalian, at ang hurno ay totoong mainit, napatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking yaon na nagsibuhat kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego. At ang tatlong lalaking ito, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsibagsak na nagagapos sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas. Nang magkagayo'y si Nabucodonosor na hari ay nagtaka, at tumindig na madali: siya'y nagsalita at nagsabi sa kaniyang mga kasangguni, Di baga ang ating inihagis ay tatlong gapos na lalake sa gitna ng apoy? Sila'y nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Totoo, Oh hari. Siya'y sumagot, at nagsabi, Narito, aking nakikita ay apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy, at sila'y walang paso; at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng isang anak ng mga dios. Nang magkagayo'y lumapit si Nabucodonosor sa bunganga ng mabangis na hurnong nagniningas: siya'y nagsalita, at nagsabi, Sadrach, Mesach, at Abed-nego, kayong mga lingkod ng Kataastaasang Dios, kayo'y magsilabas at magsiparito. Nang magkagayo'y si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsilabas mula sa gitna ng apoy. At ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, at ang mga kasangguni ng hari na nangagkakapisan ay nakakita sa mga lalaking ito, na ang apoy ay hindi tumalab sa kanilang mga katawan, ni ang mga buhok man ng kanilang mga ulo ay nasunog, ni ang kanila mang mga suot ay nabago, ni nagamoy apoy man sila. Si Nabucodonosor ay nagsalita at nagsabi, Purihin ang Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, na nagsugo ng kaniyang anghel, at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagsitiwala sa kaniya, at binago ang salita ng hari, at ibinigay ang kanilang mga katawan, upang sila'y hindi maglingkod ni sumamba sa kanino mang dios, liban sa kanilang sariling Dios. Kaya't nagpapasiya ako, na bawa't bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anomang kapulaan laban sa Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, pagpuputolputulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing dumihan: sapagka't walang ibang dios na makapagliligtas ng ganitong paraan. Nang magkagayo'y pinaginhawa ng hari si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa lalawigan ng Babilonia.