Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II PEDRO 2:9-20

II PEDRO 2:9-20 ABTAG01

kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom; lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati, samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din, na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan. May mga mata silang punô ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! Iniwan nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na umibig sa kabayaran ng kalikuan. Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta. Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman. Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian. Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila. Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.