Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GALACIA 3:1-14

GALACIA 3:1-14 ABTAG01

O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus! Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya? Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman? Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan. Ang Diyos ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya? Kung paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran. Kaya't inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham. At ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham. Sapagkat ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.” Ngayon ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Subalit ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”— upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.