Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GALACIA 3:1-14

GALACIA 3:1-14 ABTAG

Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag? Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman? Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan. Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? Gaya nga ni Abraham na sumampalataya sa Dios, at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran. Talastasin nga ninyo na ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham. At sapagka't ipinakita na ng kasulatan, na aariing-ganap ng Dios ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinangaral na nang una ang evangelio kay Abraham, na sinasabi, Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa. Kaya't ang mga sa pananampalataya ay pinagpapala kay Abraham na may pananampalataya. Sapagka't ang lahat na sa mga gawang ayon sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa: sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan, upang gawin nila. Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa kautusan sa harapan ng Dios; sapagka't, Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya. At ang kautusan ay hindi sa pananampalataya; kundi, Ang gumaganap ng mga yaon ay mabubuhay sa mga yaon. Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin; sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't binibitay sa punong kahoy: Upang sa mga Gentil ay dumating ang pagpapala ni Abraham na kay Cristo Jesus; upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang pangako ng Espiritu.