Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 15:35-58

1 Mga Taga-Corinto 15:35-58 RTPV05

Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?” Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan. At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda. May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag. Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay; pangit at mahina nang ilibing, maganda't malakas kapag muling nabuhay; inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;” ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit. Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan. Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo'y binibigyan niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya.