Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag na sa inyo kung paano namatay si Jesu-Cristo sa krus! Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais pa ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling lakas! Wala na bang halaga sa inyo ang maraming bagay na pinagtiisan ninyo? Mayroon pa naman siguro. Bakit ipinagkaloob sa inyo ng Diyos ang Espiritu? Bakit siya gumagawa ng mga himala? Dahil ba sa inyong mga gawa ayon sa Kautusan, o dahil sa inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Tulad ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na taong matuwid.” Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na ipawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya at ang Magandang Balitang ito ay inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya't siya'y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos. Ang lahat ng umaasa sa mga gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” Ang Kautusan ay walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Basahin Mga Taga-Galacia 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Taga-Galacia 3:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas