Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 17:1-26

Juan 17:1-26 RTPV05

Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya. Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa sangkatauhan upang bigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa Anak. Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang daigdig. “Ipinakilala na kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa daigdig. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil itinuro ko sa kanila ang mga aral na ibinigay mo sa akin, at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng mga tao sa sanlibutang ito, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan. “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang karangalang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa. Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. Mapagmahal na Ama, hindi ka kilala ng mga tao sa daigdig, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala na kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”