Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim; kinain ng sumunod ang natira ng una. Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing! Umiyak kayo, mga manginginom! Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak. Sinalakay ng makapal na balang ang ating lupain. Sila'y mapangwasak at di mabilang; parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Sinira nila ang ating mga ubasan at sinalanta ang mga puno ng igos. Sinaid nila ang balat ng mga puno, kaya't namuti pati mga sanga. Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya. Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh; kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh. Walang maani sa mga bukirin, nagdadalamhati ang lupa; sapagkat nasalanta ang mga trigo, natuyo ang mga ubas, at nalanta ang mga punong olibo. Malungkot kayo, mga magsasaka! Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada, sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta. Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos; ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo; at nawala ang kagalakan ng mga tao. Magluksa kayo at tumangis, mga paring naghahandog sa altar. Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa. Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
Basahin Joel 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Joel 1:4-13
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas