Juan 2

2
Ang Kasalan sa Cana
1Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. 2Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” 4Sumagot si Jesus, “Babae,#2:4 Babae: Hindi malinaw kung bakit tinawag ni Jesus na “babae” ang kanyang ina ngunit hindi ito nagpapahiwatig na wala siyang paggalang dito. huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” 5Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.#2:6 ritwal nilang paghuhugas: Maaaring ginagamit sa paghuhugas ng kamay at mga sisidlan. Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. 7Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. 8Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. 9Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
12Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga tagasunod. Nanatili sila roon ng ilang araw.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo
(Mat. 21:12-13; Mar. 11:15-17; Luc. 19:45-46)
13Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel,#2:13 Pista ng Paglampas ng Anghel: sa Ingles, “Passover.” Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito. kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. 15Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. 16Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 17Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.”#2:17 Salmo 69:9.
18Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” 19Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” 20Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” 21Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23Habang si Jesus ay nasa Jerusalem, nang Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginawa niya. 24Pero hindi nagtiwala si Jesus sa pananampalataya nila, dahil kilala niya ang lahat ng tao. 25At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa mga tao, dahil alam niya kung ano ang nasa mga puso nila.

Цяпер абрана:

Juan 2: ASND

Пазнака

Падзяліцца

Капіяваць

None

Хочаце, каб вашыя адзнакі былі захаваны на ўсіх вашых прыладах? Зарэгіструйцеся або ўвайдзіце