YouVersion Logo
Search Icon

1 Cronica 18

18
Ang Mga Pagtatagumpay ni David
(2 Sam. 8:1-18)
1Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito. 2Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya. 3Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates. 4Naagaw nina David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa 100 na itinira nila para gamitin. 5Nang dumating ang mga Arameo#18:5 Arameo: o, taga-Syria. mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. 6Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta. 7Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Teba#18:8 Teba: o, Tiblat. at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na parang kawa na tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso para gamitin sa templo.
9Nang mabalitaan ni Haring Tou,#18:9 Tou: o, Toi. ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba, 10pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram#18:10 Hadoram: o, Joram. kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso. 11Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na naagaw niya mula sa mga sumusunod na bansa – ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek.
12Si Abishai na anak ni Zeruya ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin. 13Naglagay si David ng mga kampo sa Edom at naging sakop niya ang lahat ng Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumunta para makipaglaban.
Ang mga Opisyal ni David
14Naghari si David sa buong Israel, na gumagawa ng matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 15Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian. 16Sina Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec#18:16 Ahimelec: Ganito sa mga tekstong Syriac at sa Latin Vulgate, pero sa ibang mga tekstong Hebreo, Abimelec. na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang kalihim ay si Shavsa.#18:16 Shavsa: o, Seraya. 17Si Benaya na anak ni Jehoyada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo. At ang mga punong opisyal ni David ay ang kanyang mga anak na lalaki.

Currently Selected:

1 Cronica 18: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in