YouVersion Logo
Search Icon

1 Corinto 14

14
Ang Pagsasalita ng Ibang Wika na Hindi Natutunan
1Sikapin ninyong makamtan ang pag-ibig, ngunit sikapin din ninyong makamtan ang mga kaloob na espiritwal, lalo na ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios. 2Ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay nakikipag-usap hindi sa tao kundi sa Dios, dahil wala namang nakakaunawa sa kanya. Nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Banal na Espiritu. 3Ngunit ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagsasalita sa mga tao upang silaʼy matulungan, mapalago at mapalakas ang loob. 4Ang nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay pinatitibay ang kanyang sarili, ngunit ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagpapatibay sa iglesya. 5Gusto ko sanang kayong lahat ay makapagsalita sa ibang wika na hindi natutunan, ngunit mas ninanais kong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios. Sapagkat ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay mas mahalaga kaysa sa nagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, maliban na lamang kung ipapaliwanag niya ang kahulugan ng kanyang sinasabi upang mapatibay ang iglesya. 6Ano ba ang mapapala ninyo, mga kapatid, kung pumunta ako riyan at magsalita ng ibang wika na hindi ninyo naiintindihan? Wala! Maliban na lang kung magbigay ako sa inyo ng pahayag mula sa Dios, o kaalaman, mensahe, o aral.
7Kahit na ang mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, kung hindi malinaw ang mga notang tinutugtog, paano malalaman ng nakakarinig kung anong awit ang tinutugtog? 8At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta sa mga sundalo, sinong maghahanda para sa labanan? 9Ganito rin sa inyo. Paano makakaunawa ang isang mananampalataya sa sinasabi mo sa ibang wika kung hindi naman niya naiintindihan? Para ka na ring nakikipag-usap sa hangin. 10Maraming wika sa buong mundo at ang bawat salita nito ay may kahulugan. 11Ngunit kung hindi ko maintindihan ang sinasabi ng isang tao at hindi rin naman niya ako maintindihan, wala kaming mapapala sa isaʼt isa. 12At dahil nga hinahangad naman ninyo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, pagsikapan ninyong matanggap ang mga kaloob na nagpapatibay sa iglesya.
13Kaya nga, ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay manalangin na bigyan din siya ng kakayahang maipaliwanag ito. 14Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan. 15Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan. 16Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi? 17Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.
18Nagpapasalamat ako sa Dios na nakapagsasalita ako sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ng higit pa sa inyong lahat. 19Ngunit sa pagtitipon ng mga mananampalataya,#14:19 pagtitipon ng mga mananampalataya: sa literal, iglesya. Ganito rin sa talatang 23. mas makakabuti pa ang magsalita ako ng limang kataga na naiintindihan upang maturuan ko sila, kaysa sa magsalita ako ng libu-libong kataga sa wikang wala namang nakakaintindi.
20Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo. 21Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,
“Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,
ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”#14:21 Isa. 28:11-12.
22Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.
23Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait? 24Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan. 25Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.
Ang Maayos na Pagsamba
26Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya. 27Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi. 28Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan. 29Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi. 30Ngayon, kung sa mga nakaupo ay may pinagkalooban ng mensahe ng Dios, dapat tumahimik na ang nagsasalita upang makapagsalita naman ang iba. 31Sapagkat kayong lahat ay maaaring makapagpahayag ng mensahe ng Dios nang isa-isa, upang matuto ang lahat at mapalakas ang kanilang pananampalataya. 32Ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay dapat may pagpipigil sa sarili.#14:32 dapat may pagpipigil sa sarili: o, may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. 33Sapagkat ang Dios ay hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan.
Tulad ng nakaugalian sa lahat ng iglesya ng mga pinabanal#14:33 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya. ng Dios, 34ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga pagtitipon nʼyo dahil hindi sila pinahihintulutang magsalita. Dapat silang magpasakop sa mga lalaki ayon sa sinasabi ng Kautusan. 35Kung may tanong sila, tanungin na lang nila ang kanilang asawa pagdating sa kanilang bahay. Sapagkat nakakahiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.
36Inaakala ba ninyong nagmula sa inyo ang salita ng Dios, o di kayaʼy kayo lang ang nakatanggap nito? 37Kung mayroon sa inyong nag-aakala na may kakayahan siyang magpahayag ng mensahe ng Dios o sumasakanya ang Banal na Espiritu, dapat din niyang kilalanin na ang mga sinusulat ko sa inyoʼy utos mismo ng Panginoon. 38At kung mayroon mang hindi kumikilala sa aking mga sinasabi ay huwag din ninyong kilalanin.
39Kaya mga kapatid, pakahangarin ninyong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios, at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan. 40Ngunit gawin ninyo ang lahat sa maayos at wastong paraan.

Currently Selected:

1 Corinto 14: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in