2 Cronica 29
29
Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda
(2 Hari 18:1-3)
1Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. 2Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David 3Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito. 4Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo. 5Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili#29:5 Linisin ninyo ang inyong mga sarili: Ang ibig sabihin, gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis. ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. 6Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. 7Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel. 8Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. 9Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11Kaya mga minamahal,#29:11 mga minamahal: sa literal, mga anak. huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”#29:11 maghandog: o, magsunog ng insenso.
12Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:
Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.
Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.
Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.
13Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.
Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.
14Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.
Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.
15Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.
17Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon. 18Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”
20Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon. 21Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.
25Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog. 29Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30Nag-utos si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita para purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Dios.
31Pagkatapos, sinabi ni Hezekia, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog. 32Ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng mga tao ay 70 toro, 100 lalaking tupa at 200 batang tupa. 33Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na 600 toro at 3,000 tupa at kambing. 34Pero kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop na ito. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na inihandog para sa mabuting relasyon, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog. Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa templo ng Panginoon. 36Labis ang kagalakan ni Hezekia at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Dios, dahil ditoʼy nagawa nila ang lahat ng ito nang mabilis.
Currently Selected:
2 Cronica 29: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.