2 Corinto 5
5
Ang Bagong Katawan
1Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. 2Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
6Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo
11Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.
16Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. 18Ang lahat ng itoʼy gawa ng Dios na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. 20Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. 21Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios.
Currently Selected:
2 Corinto 5: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.