Gawa 25
25
Umapela si Pablo kay Festus
1Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea. 2Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor, 3na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin). 4Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon. 5Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”
6Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo. 7Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan. 8Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.” 9Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?” 10Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan. 11Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!” 12Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”
Pinaharap si Pablo kay Haring Agripa
13Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa#25:13 Haring Agripa: Siya si Herodes Agripa II, ang anak ni Haring Herodes na makikita sa 12:1. at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus. 14Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix. 15Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya. 16Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya. 17Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito. 18Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala. 19Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya. 20Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso. 21Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.” 22Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”
Nagsalita si Pablo kay Agripa
23Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo, 24sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin. 25Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador. 26Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat. 27Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”
Currently Selected:
Gawa 25: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.