Gawa 9
9
Nakakilala si Saulo sa Panginoon
(Mga Gawa 22:6-16; 26:12-18)
1Patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga tagasunod ng Panginoon. Pinuntahan pa niya ang punong pari 2at humingi ng mga sulat na ipapakita niya sa mga sambahan ng mga Judio sa Damascus bilang katibayan na binibigyan siya ng kapangyarihang hulihin at dalhin sa Jerusalem ang sinumang makikita niya roon na sumusunod sa pamamaraan ni Jesus,#9:2 sumusunod sa pamamaraan ni Jesus: Ang ibig sabihin, sumasampalataya kay Jesus. lalaki man ito o babae.
3Nang malapit na si Saulo sa lungsod ng Damascus, bigla siyang napalibutan ng nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 4Natumba siya, at may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” 5Sumagot si Saulo, “Sino po ba kayo?” Sinagot siya ng tinig, “Ako si Jesus na iyong inuusig. 6Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” 7Hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo. Nakatayo lang sila na natigilan. Nakarinig sila ng boses, pero wala silang nakita. 8Tumayo si Saulo, pero pagmulat niyaʼy hindi na siya makakita. Kaya inakay na lang siya ng mga kasama niya hanggang sa Damascus. 9Tatlong araw siyang hindi nakakita, at hindi siya kumain o uminom.
10Doon sa Damascus ay may isang tagasunod ni Jesus na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!” Sumagot siya, “Panginoon, bakit po?” 11Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daan na tinatawag na ‘Matuwid,’ at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarsus na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, 12at ipinakita ko sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain na pumasok ka sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay para muling makakita.” 13Pero sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal#9:13 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya. Ganito rin sa talatang 32. sa Jerusalem. 14Narito siya ngayon sa Damascus at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng kumikilala sa iyo.”#9:14 kumikilala sa iyo: sa literal, tumatawag sa iyong pangalan. 15Pero sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Lumakad ka, dahil pinili ko siyang maglingkod sa akin, para ipakilala niya ako sa mga hindi Judio at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. 16At ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang danasin para sa akin.”
17Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa bahay na tinutuluyan nito, at pagpasok niya roon ay ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo. At sinabi niya, “Saulo, kapatid ko sa Panginoon, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus. Siya ang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito. Inutusan niya ako rito para muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Pagkatapos, tumayo siya at nagpabautismo. 19Kumain siya at muling lumakas.
Nangaral si Saulo sa Damascus
Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damascus kasama ng mga tagasunod ni Jesus. 20Pumunta siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niyang si Jesus ang Anak ng Dios. 21Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang taong umuusig sa mga tagasunod ni Jesus doon sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin ang mga kumikilala kay Jesus at dalhin sa mga namamahalang pari?”
22Lalong humusay ang kakayahan ni Saulo sa pangangaral. At hindi makasagot sa kanya ang mga Judio sa Damascus nang patunayan niyang si Jesus ang Cristo.
23Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Judio at nagplanong patayin si Saulo. 24Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Pero may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila. 25Kaya isang gabi, isinakay siya ng mga tagasunod niya sa malaking kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.
Si Saulo sa Jerusalem
26Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus. 27Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus. 28Kaya mula noon, kasama na nila si Saulo, at buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa Panginoon saan man sa Jerusalem. 29Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, kaya nagalit sila at nagplanong patayin siya. 30Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarsus.
31Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.
Si Pedro sa Lyda at sa Jopa
32Maraming lugar ang pinuntahan ni Pedro para dalawin ang mga pinabanal ng Dios. Pumunta rin siya sa Lyda. 33Nakilala niya roon ang isang taong nagngangalang Eneas. Paralisado siya at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Cristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lyda at sa Sharon na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.
36Sa lungsod ng Jopa, may isang babaeng mananampalataya na ang pangalan ay Tabita. (Sa Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas#9:36 Dorcas: Ang ibig sabihin ng pangalang ito ay usa.) Marami siyang nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha. 37Nagkataon noon na nagkasakit ang babaeng ito at namatay. Nilinis nila ang kanyang bangkay at ibinurol sa isang kwarto sa itaas. 38Ang Jopa ay malapit lang sa Lyda. Kaya nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Jesus na si Pedro ay naroon sa Lyda, inutusan nila ang dalawang tao na pakiusapan si Pedro na pumunta agad sa Jopa. 39Pagdating ng dalawa roon kay Pedro, agad namang sumama si Pedro sa kanila. Pagdating nila sa Jopa, dinala siya sa kwarto na pinagbuburulan ng patay. May mga biyuda roon na umiiyak. Ipinakita nila kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya. 40Pinalabas silang lahat ni Pedro sa kwarto. Lumuhod siya at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita, at pagkakita niya kay Pedro, naupo siya. 41Hinawakan siya ni Pedro sa kamay at tinulungang tumayo. Pagkatapos, tinawag ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pang mga mananampalataya roon, at ipinakita sa kanila si Tabita na buhay na. 42Ang pangyayaring ito ay napabalita sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus. 43Nanatili pa si Pedro ng mga ilang araw sa Jopa sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat.
Currently Selected:
Gawa 9: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.