Mangangaral 6
6
1May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. 2May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. 3Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. 4Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, 5at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon 6na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.
7Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. 8Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? 9Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?
Currently Selected:
Mangangaral 6: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.