Ezekiel 40
40
Ang Bagong Templo
1-2Noong ikasampung araw ng unang buwan, nang ika-25 taon ng aming pagkabihag at ika-14 na taon mula nang wasakin ang Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita sa akin ang isang pangitain. Sa pangitaing iyon, dinala niya ako sa mataas na bundok ng Israel. Nang tumingin ako sa timog ay may nakita akong parang isang lungsod. 3Dinala ako roon ng Panginoon at may nakita akong isang tao na ang mukha ay parang kumikinang na tanso. Nakatayo siya malapit sa pintuan ng bayan at may hawak na panukat. Ang isa ay lubid na gawa sa telang linen at ang isa ay kahoy. 4Sinabi sa akin ng taong iyon, “Anak ng tao, makinig ka at tingnan mong mabuti ang ipapakita ko sa iyo dahil ito ang dahilan kung bakit kita dinala rito. Pagkatapos, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng nakita mo.”
Ang Pintuan sa Gawing Silangan
5Nakita ko ang templo na napapaligiran ng pader. Kinuha ng tao ang panukat niyang kahoy, na ang haba ay sampung talampakan, ayon sa umiiral na sukatan ay sinukat niya ang pader. Sampung talampakan ang taas nito at ganoon din ang kapal. 6Pagkatapos, pumunta ang tao sa daanan sa templo na nakaharap sa silangan. Umakyat siya sa mga baitang at sinukat niya ang pasukan ng daanan, at sampung talampakan ang luwang nito. 7Sa bawat gilid ng daanang ito ay may tatlong silid na may guwardyang nagbabantay. Ang bawat silid na itoʼy may sukat na sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang, at ang kapal ng pader sa pagitan ay walong talampakan. Sa kabila ng mga silid ay may daanang papunta sa balkonahe na nakaharap sa templo. Ang daanang ito ay sampung talampakan din ang haba.
8-9Sinukat din ng tao ang bulwagan at 14 na talampakan ang haba nito. Ang kapal ng dingding sa magkabilang daanan ng balkonahe ay tatlong talampakan.
10Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal. 11Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan. 12Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.
13Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon. 14Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito. 15Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan. 16May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.
Ang Bakuran sa Labas ng Templo
17Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran. 18Ang daanang bato na ito sa bandang ibaba ay umaabot hanggang sa gilid ng mga daanang papasok sa bakuran. Ang lawak ng daanang bato ay kapantay ng haba ng mga daanang iyon. 19Pagkatapos, sinukat ng tao ang layo mula sa daanang papasok sa bakuran sa labas ng templo hanggang sa daanang papunta sa loob ng bakuran ng templo at ang layo ay 170 talampakan.
Ang Daanan sa Hilaga
20Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba at taas ng daanan sa hilaga. Ang daanang ito ay papunta sa labas ng patyo. 21Ang bawat gilid ng daanan ay may tatlo ring silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito at ang pader sa pagitan, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng daanan sa silangan. Ang haba ng daanan sa hilaga ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 22Ang mga bintana, balkonahe at palamuting palma ay katulad din ng nasa silangang daanan. May pitong baitang pataas sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. 23Mayroon ding daanan papunta sa bakuran sa loob, sa gawing hilagang daanan katulad ng daanan sa silangan. Sinukat din ng tao ang layo ng dalawang daanan, at itoʼy 170 talampakan.
Ang Daanan sa Timog
24Pagkatapos, dinala ako ng tao sa dakong timog at may nakita akong daanan doon. Sinukat niya ang balkonahe at ang magkabilang pader nito at ang sukat nito ay katulad din ng mga una niyang sinukat. 25May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan, at balkonahe katulad ng iba. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 26Pito ang baitang nito paakyat sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. Ang mga pader sa gilid ng daanan ay may mga palamuting palma. 27Mayroon ding daanan ang bakuran sa loob, na nakaharap sa timog. Sinukat ito ng tao at ang layo mula sa daanang ito hanggang sa daanan sa labas sa timog ay 170 talampakan.
Ang mga Daanan Papunta sa Bakuran sa Loob
28Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa loob. Doon kami dumaan sa daanang nasa timog. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 29Mayroon din itong mga silid na kinaroroonan ng mga guwardya na nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. Mayroon ding mga bintana sa palibot ng daanan at ng balkonahe. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang naman ay 42 at kalahating talampakan. 30(Ang mga balkonahe ng mga daanan na nakapaligid sa bakuran sa loob ay may habang walong talampakan at may luwang na 42 at kalahating talampakan.) 31Ang balkonahe ng daanan sa bandang timog ay nakaharap sa bakuran sa labas, at napapalamutian ito ng puno ng palma na nakaukit sa mga pader. May walong baitang paitaas sa daanang ito.
32Pagkatapos, muli akong dinala ng tao sa bakuran sa loob. Sa gawing silangan kami dumaan. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 33May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito, at mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng sa iba. Mayroon ding mga bintana sa paligid ng daanan at ng balkonahe. Ang haba naman ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 34Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting palma na nakaukit sa magkabilang pader. May walong baitang din pataas sa daanang ito.
35Pagkatapos, dinala ako ng tao sa daanan sa hilaga. Sinukat niya ang daanang ito at katulad din ito ng iba. 36May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito, at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan. At ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 37Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting puno ng palma na nakaukit sa pader. May walong baitang pataas sa daanang ito.
Ang Silid na Pinaghahandaan ng mga Handog
38Pagkatapos, may nakita akong silid na may pintuan, sa tapat ng balkonahe sa daanang nasa hilaga. Doon sa silid na iyon hinuhugasan ang mga handog na sinusunog. 39Sa magkabilang panig ng balkonahe ay may dalawang mesa na pinagkakatayan ng mga hayop na handog na sinusunog, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.#40:39 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. 40Mayroon pang dalawang mesa sa magkabilang tabi ng hagdan bago umakyat sa daanan sa hilaga. 41Kaya walong lahat ang mesa na pinagkakatayan ng mga handog. Apat sa balkonahe at apat sa tabi ng daan. 42Mayroon ding apat na mesa roon na gawa sa tinapyas na bato. Doon inilalagay ang mga kagamitan na pangkatay ng hayop na handog na sinusunog, at iba pang mga handog. Itoʼy 20 pulgada ang taas, ang luwang at haba ay parehong 30 pulgada. 43Sa palibot ng dingding ng balkonahe ay may mga sabitan na tatlong pulgada ang haba. At naroon sa mga mesa ang mga karneng ihahandog.
Ang mga Silid ng mga Pari
44May dalawang silid doon sa bakuran sa loob. Ang isa ay nasa tabi ng daanan sa hilaga, nakaharap sa timog at ang isa naman ay nasa tabi ng daanan sa timog, nakaharap sa hilaga. 45Sinabi sa akin ng tao, “Ang silid na nakaharap sa timog ay para sa mga paring namamahala sa templo, 46at ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga paring namamahala sa altar. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, at sila lang na mga Levita ang pinayagang makalapit at maglingkod sa harap ng Panginoon.” 47Sinukat ng tao ang luwang ng bulwagan at itoʼy 170 talampakan at ganoon din ang haba. Ang altar ay nasa harap ng templo.
48Pagkatapos, dinala ako ng tao sa balkonahe ng templo at sinukat niya ang magkabilang pader ng daanan ng balkonahe, at ang bawat pader ay may taas na walong talampakan at limang talampakan ang kapal. Ang luwang ng daanan ng balkonahe ay 24 na talampakan. 49Ang haba ng balkonahe ay 35 na talampakan at ang luwang ay 20 talampakan. May sampung baitang ito pataas papunta sa balkonahe at may haligi sa magkabilang tabi.
Currently Selected:
Ezekiel 40: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.