Ezekiel 5
5
Ang Pagkagiba ng Jerusalem
1 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. 2Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. 3Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. 4Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.
5“Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. 6Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. 7Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod#5:7 Hindi … sinunod: Ganito sa karamihan sa tekstong Hebreo. Pero sa ibang mga tekstong Syriac, sinunod mo. Tingnan din sa 11:12. man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. 8Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. 9Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.#5:12 patuloy kong uusigin: sa literal, hahabulin ko sila ng espada.
13“Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Currently Selected:
Ezekiel 5: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.