Isaias 28
28
Ang Mensahe Tungkol sa Samaria
1Nakakaawa ang Samaria, na ang katulad ay koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. Ang lungsod ng Samaria ay nasa matabang lambak, pero ang kanyang kagandahan ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. 2Makinig kayo! Ang Panginoon ay may inihahandang malakas at makapangyarihang bansa na wawasak sa Samaria. Katulad ito ng mapaminsalang bagyo at rumaragasang baha. 3Tinapak-tapakan niya ang Samaria, ang koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. 4Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak, pero ang kagandahan nito ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. Malalagas agad ito katulad ng unang mga bunga ng igos na kinukuha at kinakain agad ng bawat makakita.
5Sa araw na iyon, ang Panginoong Makapangyarihan ay magiging tulad ng magandang koronang bulaklak para sa nalalabi niyang mga mamamayan. 6Bibigyan niya ng hangarin ang mga hukom na pairalin ang katarungan. At bibigyan niya ng tapang ang mga tagapagbantay ng lungsod laban sa mga kaaway.
7Pero ngayon, pasuray-suray ang mga pari at mga propeta, at wala na sa tamang pag-iisip. Mali ang pagkakaunawa ng mga propeta sa mga pangitain, at hindi tama ang mga desisyon ng mga pari. 8Ang mga mesa nilaʼy puno ng mga suka nila at walang parteng malinis. 9Dumadaing sila at sinasabi, “Ano bang palagay niya sa atin, mga batang kaaawat pa lamang sa pagsuso? Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin? 10Tingnan mo kung magturo siya; paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin.”
11Dahil sa ayaw nilang makinig, makikipag-usap ang Panginoon sa mga taong ito sa pamamagitan ng mga dayuhang iba ang wika. 12Ito ang sasabihin niya, “Mararanasan ninyo ang kapahingahan sa inyong lupain.” Pero ayaw pa rin nilang makinig.
13Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon ng paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin. At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila, masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.
14Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno ng mga mamamayan ng Jerusalem, pakinggan ninyo ang Panginoon! 15Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”
16Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos#28:16 huwag maging padalos-dalos: Sa Septuagint, hindi mapapahiya. sa kanilang mga ginagawa. 17Gagawin kong sukatan ang katarungan at katuwiran. Ipapatangay ko sa bagyo at baha ang kasinungalingan na inaasahan ninyong makakapagligtas sa inyo. 18Magiging walang kabuluhan ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ninyo sa lugar ng mga patay. Sapagkat mapapahamak kayo kapag dumating na ang mga sakuna na parang baha. 19Palagi itong darating sa inyo, araw-araw, sa umaga at sa gabi, at tiyak na mapapahamak kayo.”
Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo ang mensaheng ito. 20Sapagkat kayoʼy matutulad sa taong maiksi ang higaan at makitid ang kumot.#28:20 Sapagkat … ang kumot: Maaaring ang ibig sabihin, ang kasunduan ng Juda sa Egipto ay hindi makapagbigay ng tiyak na kaligtasan mula sa mga kaaway. 21Ang totoo, sasalakay ang Panginoon katulad ng ginawa niya sa Bundok ng Perazim at sa Lambak ng Gibeon. Gagawin niya ang hindi inaasahan ng kanyang mga mamamayan.
22Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya, baka dagdagan pa niya ang parusa niya sa inyo. Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na wawasakin niya ang inyong buong lupain. 23Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 24Ang magsasaka baʼy lagi na lamang mag-aararo at hindi na magtatanim? 25Hindi baʼt kapag handa na ang lupa, sinasabuyan niya ng sari-saring binhi ang bawat bukid, katulad halimbawa ng mga pampalasa, trigo, sebada at iba pang mga binhi? 26Alam niya ang dapat niyang gawin dahil tinuturuan siya ng Dios. 27Hindi niya ginagamitan ng mabibigat na panggiik ang mga inaning pampalasa, kundi pinapagpag niya o pinapalo ng patpat. 28Ang trigo na ginagawang tinapay ay madaling madurog kaya hindi niya ito gaanong ginigiik. Ginagamitan niya ito ng karitong panggiik, pero sinisiguro niyang hindi ito madudurog. 29Ang kaalamang ito ay mula sa Panginoong Makapangyarihan. Napakabuti ng kanyang mga payo, at kahanga-hanga ang kanyang kaalaman.
Currently Selected:
Isaias 28: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.