Isaias 46
46
Ang mga Dios-diosan ng Babilonia
1Ang mga dios-diosan ng Babilonia na sina Bel at Nebo ay nakahiga habang ikinakarga sa mga karwahe na hinihila ng mga asno. Mabibigat sila, karga ng mga pagod na hayop. 2Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.
3Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak. 4Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas. 5Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko? 6Ang ibang mga tao ay naglalabas ng kanilang ginto o pilak at inuupahan nila ang platero para iyon ay gawing rebulto at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin. 7Pinapasan nila ito at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan. 8Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip. 9Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Dios, at wala nang iba pang katulad ko. 10Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. 11Tatawag ako ng isang tao mula sa silangan sa malayong lugar, at siya ang magsasagawa ng aking mga plano. Maitutulad ko siya sa isang ibong mandaragit. Isasagawa ko ang aking mga sinabi at plinano. 12Makinig kayo sa akin kayong matitigas ang ulo. Hindi ninyo mararanasan ang tagumpay at katuwiran. 13Hindi na magtatagal, ibibigay ko na ang tagumpay at katuwiran sa Jerusalem. Malapit ko na itong iligtas; pararangalan ko ang Israel.
Currently Selected:
Isaias 46: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.